Sa takot ni Nena na muling maulit pa ang kalupitan ni Lando, minsan ay nagbalak siyang umuwi na sa Bisayas kasama ang anak, subalit tinakot siya nito. Sasaktan sana ni Lando si Nena subalit agad na lumisan si Nena at iniwan ang anak na natutulog.
Nang bandang tanghali, habang nagtitinda si Nena sa kalsada, nakita ng mga kapitbahay na bitbit ni Lando si Junjun palabas ng barung-barong. Tumakbo at humingi ng tulong si Lando kay Mang Berting na dalhin si Junjun sa ospital sa takot na kapag namatay ito ay baka siya ang masisi. Subalit huli na ang lahat, patay na si Junjun pagdating sa ospital. Samantala, nang dumating si Nena ay agad na humingi ng tawad sa kanya si Lando.
Batay sa awtopsiya, namatay si Junjun resulta ng malakas na suntok o palo ng matigas na kahoy sa kaliwang bahagi ng dibdib nito kung kayat napinsala ang kanyang puso sanhi ng internal na pagdurugo at pagkabigla nito.
Kaya si Lando ay kinasuhan at nahatulan ng kasong murder. Umapela siya sa Korte Suprema kung saan iginiit niyang walang naging katiyakan sa pagpatay niya sa anak. Mapapawalang-sala ba si Lando?
HINDI. Kahit na walang direktang ebidensiya na pinatay nga ni Lando si Junjun, isinasaalang-alang ng Korte ang kombinasyon ng mga pangyayari na nagresulta ng katiyakan sa salang pagpatay ni Lando kay Junjun. Ayon sa korte, si Junjun ay hindi tunay na anak ni Lando; na madalas na pagmalupitan ni Lando si Junjun; na bago namatay si Junjun, matindi ang naging pagtatalo nina Lando at Nena; na pagkatapos nito ay naiwan sina Lando at Junjun sa bahay; at ang paghingi ng tawad ni Lando kay Nena sa ospital. Ang mga pangyayaring ito ay nagbuo ng konklusyon na si Junjun ay pinatay ni Lando. (People vs. Magtuloy, G.R. No. 105671, June 30, 1993)