Sa Ebanghelyo sa araw na ito, makikita natin ang isang ketongin na lumapit kay Jesus at humiling dito na pagalingin siya (Mt. 8:1-4).
Nang makababa si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya. "Ginoo, kung ibig mo, akoy iyong mapagagaling." Hinipo siya ni Jesus at sinabi, "Ibig ko, gumaling ka." At biglang nawala ang ketong. "Huwag mo itong sasabihin kaninuman," bilin ni Jesus. "Pumunta kat pasuri sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ng haing iniuutos ni Moises, bilang patotoo sa mga tao na magaling ka na."
Maaaring mapagaling ni Jesus ang ketongin sa pamamagitan lamang nang pagsabi, "Magaling ka na." Ngunit hindi ganoon ang ginawa ni Jesus. Hinipo niya ang ketongin at sinabing, "Ibig ko, gumaling ka." Ang paghipo ni Jesus sa ketongin ay nagpapakita na siya ay hindi nahawahan. Kay laking kaginhawahan nito para sa ketongin nang makita niyang napagaling siya at nalinisan.
Sa katunayan, may mas malubha pang sakit kaysa ketong. Ito ay ang kasalanan. Dinidisporma ng kasalanan ang kaluluwa. Ang malubhang kasalanan ay nakapagpapadilim sa kaluluwa. Kinakansela ng kasalanan ang pananahan ng Banal na Espiritu. Tanging ang isang marubdob na pagsisisi at pangungumpisal ang makapagpapanumbalik sa presensiya ng Banal na Espiritu.