Editoryal - Mahinang magdesisyon ang Comelec

NAMUMUTIKTIK sa dami ng complaints ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng nakaraang May 10 elections. At hindi na dapat magtaka kung magkaroon na naman ng kaso na kung kailan nag-adjourned na ang Kongreso ay saka lamang pinanumpa ang talagang nanalong kandidato. Matagal o mabagal magpasya ang Comelec. Kahalintulad niyan ang nangyari sa case ni Pasig Rep. Noel Cariño na nakapanumpa lamang sa araw din mismo ng pag-adjourned ng session. Sabagay, masuwerte pa rin siya at kahit isang araw ay nakapagsilbi siya sa kanyang mga constituents. Mayroon pa nga na kahit isang minuto ay hindi nakaupo sapagkat natapos na ang session. At ngayon nga’y may 700 complaints ang probema nilang kinakaharap. Paano nila mahaharap ang ganitong problema? Hindi kaya magkaroon na naman ng katulad ni Rep. Cariño? O baka mas matindi pa?

Mabagal ang canvassing para sa presidente at bise presidente pero mas mabagal ang Comelec sa pagresolba sa mga kaso. Imagine, ang reklamo ni Cariño ay inabot pa ng ilang taon bago nabigyan ng desisyon. Ang kabagalan ng Kongreso sa pagcanvass sa presidente at bise presidente ay mabibigyan pa ng katwiran pero ang pagdedesisyon para sa nanalong congressman ay mahirap mapaniwalaang mahirap na gawain. Gaano ba karami ang Comelec officials na pinasusuweldo ng taumbayan? Bakit sa tuwing magkakaroon ng elections ay nagkakaroon ng gabundok na problema ang mga kandidato?

Ngayo’y panibagong problema ng Comelec ang pagkaka-proclaimed nila sa ika-12 senador na si Rodolfo Biazon. Hanggang ngayon ang 12 puwesto ay pinag-aawayan pa pala. Hindi pa pala tapos ang problema pero ipinroclaimed na kaagad nila si Biazon. Naghahabol si Sen. Robert Barbers at hinihiling na itigil ang proklamasyon kay Biazon. Sinabi ni Barbers na may 200,000 boto ang kinakailangan pang bilangin at ayon sa kanya iyon ang mga boto niya para ganap na manalong ika-12. Ipawalang bisa umano ang pagkakaproklama kay Biazon.

Pero hindi lamang si Barbers ang naghahabol kundi pati na rin si Sen. John Osmeña. Sinabi ni Osmeña na dinaya siya. Siya umano ang dapat iproklamang nanalo. Hiniling niya sa Senate Electoral Tribunal na ipawalang-bisa ang pagkakaproklama kay Biazon.

Kailangang kumilos ang Comelec at lutasin ang problema sa nanalong ika-12 senador. Hindi na dapat pang patagalin pa ang pagdedesisyon tungkol dito. Masama na nga ang tingin ng mga dayuhan sa nagaganap na canvassing sa presidente at bise presidente ay masama pa rin ang nangyayari sa Comelec. Sa kanilang mga opisyal babalik ang sisi kapag hindi sila kumilos ngayon.

Show comments