Mga pagbabago sa operasyon ng PAF sa Kabisayaan

MARAMING naging pagbabago sa Tactical Operations Group ng Philippine Air Force sa Visayas Region mula nang manungkulan si Maj. Gen. Ramon Ragasa bilang TOG Commander noong Nobyembre 2003.

Naging regular ang pagbisita ni Gen. Ragasa sa mga Tactical Operations Command na kanyang sinasakupan.

Kamakailan bumisita si Gen. Ragasa sa TOC 6 sa Iloilo, TOC 8, Tacloban, TOC 9, Cagayan de Oro City, TOC 10, Jolo, Sulu, TOC 11, Davao City, TOC 12, Cotabato, at Sanga-Sanga, Tawi-Tawi.

Sa kanyang pagdalaw, pinaalalahanan ni Gen. Ragasa ang kanyang mga sundalo na maging neutral sa lahat ng political issue at gampanan na lamang ang kanilang sinumpaang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.

Upang itaas ang moral ng mga airmen, inihayag ni Gen. Ragasa ang mga benepisyong kanilang nakatakdang tanggapin. Rest and Recreation privilege kung saan may libreng return passage ticket mula sa WG&A ang lahat ng airmen na magbabakasyon. Twenty percent diskuwento sa pamasahe mula sa Philtranco ang lahat ng sundalo ng AFP sa katumbas ng pagbili ng Philtranco Privilege Plus Card.

Pagbibigay ng P50,000 financial assistance sa mga airmen na nasugatan habang ginagampanan ang tungkulin. Insurance mula sa PhilHealth kung saan puwedeng maospital ang mga sundalo ng 45 araw, serbisyo mula sa health care professional, diagnostic, laboratory at iba pang medical examination.

Educational benefit mula sa De La Salle, Dasmariñas para sa mga sundalong nagtamo ng permanenteng kapansanan sanhi ng pakikidigma, at full college scholarship sa kursong computer science na may libreng stipend at dormitory accommodation.

Nangako si Gen. Ragasa na "by hook or by crook" gagawin niyang regular ang kanyang pagdalaw sa mga kampo upang mas lalong mapalapit sa kanya ang mga airmen. Sa ganitong klaseng liderato na ipinakikita ni Gen. Ragasa, inaasahang magkakaroon ng malaking pagbabago sa hanay ng PAF.

Ang patuloy at makataong supervision sa mga tao ay kailangan upang lalo silang ganahang magtrabaho at maging epektibo sa kanilang tungkulin. Ito ngayon ang ipinadadama ni Gen. Ragasa sa kanyang mga tauhan. Karapat-dapat na maging isang Commanding General si Ragasa.

"Puwede ba si Ragasa para sa PAF Commanding General?" tanong ng kuwagong urot.

"Siyempre pero hindi siya PMAer," sagot ng kuwagong SPO-10 sa Crame.

"Malaking problema nga pala ito sa mga non-PMAer," sabi ng kuwagong nananalangin sa Baclaran.

"Ano ang maganda?"

"OK lang si Maj. General Arcadio Seron, acting Commanding General ng PAF," sabi ng kuwagong maninisid ng tahong.

"Ang problema PMA Class 71 si Seron, mukhang allergic ang Palasyo sa klaseng ito?"

"Bakit ba?"

"Iyan ang tanong mo kay Pilo, kamote."

Show comments