Taumabayan,inis na sa Kongreso

MATAGAL na akong hindi kumikibo sa anumang nagaganap sa Kongreso mula nang magbangayan ang mga senador at mga kongresista para mabuo ang National Board of Canvassers. Nagkaroon ng walang kakuwenta-kuwentang debatehan ng mga "honorable gentlemen" ng pinagsanib na mga miyembro ng mataas at mababang kapulungan na pinagbidahan ni Rep. Didagen Dilangalen. Natulig ako. Ipinasya kong iba na lamang ang pagtuunan ng pansin.

Pero patuloy pa ring naririnig ang mga matitinis na boses at ang mga namamalat na bungangero na ilang araw nang nagngangangawa na wala namang kinahihinatnan. Akala ko ba ay natapos na nila ang kanilang susunding mga rules? Di ba nagpahayag na ang magkakabilang-panig na nanalo ang kani-kanilang kandidato? Kung ganoon, di ba dapat na pareho silang mag-apura upang mabilang na ang mga boto at madeklara na ang kanilang manok?

Ayaw ko sanang pumanig kahit kanino ngunit lumiliwanag na ang mga taga-oposisyon ang nagpapabagal ng proseso. Kahit na ano pa ang palusot ng mga ito, ang barkadahan nina Angara, Sotto at Pimentel ang talagang lumalabas na mga kontrabida. Inis na ang taumbayan.

Malaking pera ng taumbayan ang ginugol sa nakaraang eleksyon at hanggang ngayon, nagsasayang pa rin ng pera ang mga hinayupak na mga pulitiko. Marami ang natatakot na baka hindi lamang ang mga nanonood sa gallery ng Kongreso ang mag-walkout.

Show comments