Banas na ang tao sa delaying tactics

HALOS naubusan ng tao ang gallery ng Batasan Pambansa kamakalawa nang mag-walkout ang may 200 kasapi ng iba’t ibang Non-Government Organizations (NGO) na nagbabantay sa canvassing ng mga boto para sa pangulo at pangalawang pangulo. Hindi mapigil ang pagrepeke ng bunganga ni Sen. Aquilino Pimentel. Nabitin ang tabulasyon. Nabanas ang mga nasa gallery na ang inaasahan ay pagbibilang at hindi balitaktakan.

Hindi napigil ng walkout ang filibustering ni Pimentel lalo na nang kuwestyonin niya at gisahin ang isang COMELEC lawyer sa isang kuwestyonableng certificate of canvass (COC). Okay lang kung wala nang tao sa gallery. Tutal nga naman, milyon-milyon ang mga nanonood sa telebisyon. Tsk, tsk. Sino nga ba ang ibig ma-delay ang canvassing? Iginigiit ng oposisyon na "unconstitutional" na sistema ang sanhi ng pagkabalam. Pero may ruling na ang Korte Suprema na kumakatig sa sistema ng Senado at Mababang Kapulungan. Ipinipilit din ng oposisyon na ang "talamak na pandaraya ng administrasyon" ay dapat halungkatin para lumabas ang tunay na boses ng taumbayan sa ginanap na eleksyon.

Wala tayong pinapanigan. Sa kabila ng sinasabi ng kampo ng administrasyon na panalo na si Gloria Macapagal Arroyo, I’d like to look at it as anyone’s game. Ngunit nakatanim sa isip ng oposisyon na sila’y dinaya. Sa kasaysayan ng politika sa bansa, wala pang eleksyong naidaos nang perpekto. Laging may napupunang anomalya sa ilang certificates of canvass. Ngunit ang mga iregularidad ay ipinapahayag at itinatala lamang for the records sa tabulasyon ng mga boto sa magkasanib na sesyon ng Kongreso. Ang ano mang reklamo o protesta ay ginagawa matapos ang canvassing.

Hindi iyan ang nangyayari ngayon. Nais ng oposisyon na ang mga iregularidad ay ipaglaban kaagad, bagay na nakabibimbin sa tabulasyon. Kahit pa may law of succession sakaling walang maiproklamang Pangulo, nakaamba pa rin ang krisis sa bansa. Taumbayan ang maghihirap porke malubhang apektado ang takbo ng ekonomiya. Sa ngayon lang ay nagdurusa na tayo sa walang patumanggang pagbagsak ng halaga ng piso at pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin.

Show comments