May 700,000 elementary graduate students ang hindi nakapasa sa ibinigay na HRT noong May 24. Nakita rin sa ibinigay na HRT ang kahinaan ng mga estudyante sa English, Science at Math. May kabuuang 1.4 million elementary graduates ang sumailalim sa HRT at kalahati nga sa mga ito ang hindi nakapasa. Nakadidismaya ang resultang ito! Ganito na ba kahina ang mga estudyante ngayon?
Pero sa palagay namin, hindi ang "bridge program" ang solusyon sa ganitong nakadidismayang resulta ng HRT. Hindi na kailangang dumaan sa isang taon pang pag-aaral ang mga estudyante para lamang makapasok sa high school. Panibagong gastos lamang at pagod ang makukuha rito. Bukod pa sa magkakaroon ng deskriminasyon sa mga estudyante. Maaari ring magdulot ng pagkapahiya sa estudyante sapagkat mahihiwalay siya sa mga kasinggulang niya.
Para sa amin, ang solusyon ay ang pagbabago sa sistema ng pagtuturo sa elementary levels. Nararapat nang baguhin ang mga lumang pamamaraan kung saan ay nahihirapang maka-catch up ang mga estudyante. Isa pang mahalagang dapat gawin ay ang pagha-hire ng mga mahuhusay na guro. Kung bopols ang guro, anong klase ang maipu-prodyus niyang mga estudyante?
Ang problema nga lamang, hindi kaya ng DepEd na magbigay nang maayos na suweldo sa mga teachers. Kinakailangan pang magsideline ang teachers magtinda ng tocino, longganisa at iba pa para madagdagan ang kinikita. Ang mga mahuhusay na teachers ay napipilitang mag-domestic helper sa Saudi Arabia, Italy, Singapore at iba pang bansa para gumanda ang kanilang buhay.
Hindi ang "bridge project" ang sagot sa kahinaan ng mga estudyante. Mahuhusay na guro at makabagong sistema ang kailangan.