Isa sa mga namumukod-tanging opisyal ng Air Force ay si Major Gen. Ramon Ragasa, pinuno ng PAF sa Visayas Region. Isang beteranong combat pilot si Gen. Ragasa, pinatigas ang kanyang damdamin ng mga giyerang kanyang pinagdaanan. Gayunman, malambot pa rin ang kanyang puso lalo na sa mga maralita.
Alam ni Gen. Ragasa, sa kanyang sinasakupan ay matindi ang nararanasang gutom at malnourishment dahil sa kahirapan ng buhay. Dahil dito, naglunsad si Gen. Ragasa ng isang feeding program sa ibat ibang barangay sa Mactan Island. Sa tulong ng mga mayayamang negosyante at local na pamahalaan ng Lapu-Lapu City umabot sa 6,500 na residente ng 11 barangay ang nabiyayaan ng "Libreng Pagkain sa mga Bata."
Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ni Gen. Ragasa. Halos matunaw ang kanyang puso nang makita ang mga taong nagkakagulo sa pagkuha ng pagkain na noon lamang nila matitikman. Subalit naging masaya at nakaramdam ng pride si Gen. Ragasa nang makita niya ang kanyang mga "Airmen" na nakapagpasaya sa mga less fortunate dahil sa kanyang feeding program.
Kasama sa proyekto ang 220th Airlift Wing, 205th Tactical Helicopter Wing, 2nd Tactical Operations Wing at 2nd Air Reserve Wing. Maraming tutulad sa sinimulan ni Maj. Gen. Ragasa kaya ngayon pa lang ay sumasaludo na kami sa iyo.
"Mabuhay ka, Sir!" sigaw ng mga kuwago ng ORA MISMO na hanga sa iyong proyekto.
"Bakit ba binibigyan ng oras ni Ragasa ang mga batang mahihirap?" tanong ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
"Naniniwala si Ragasa na ang kabataan ang pag-asa ng bayan!"
"Diyan tama si Ragasa, kamote."