Magandang tanawin ito sa Pilipinas. Nakalatag kasi ang kapuluan sa tinatawag na Coral Triangle, mula Luzon hanggang Java at Borneo. Sa 700 uri ng corals sa mundo, 500 ay meron sa Pilipinas. Sa timog-Bohol, bright orange ang kulay ng dagat. Sa Tubbataha Reef gawing Mindoro, na puro kolonya ng corals, dalawang beses ang pangingitlog. Ang unay sa kabilugan ng buwan sa Abril. Nag-i-spawn ang hermaphroditic corals, babaet lalaki ang sex ng bawat isa.
Kapag nangingitlog ang corals, dumadayo ang "filter feeders." tulad ng balyena at manta ray. Hinihigop nila ang itlog sa bunganga na parang screen. Lalong exciting ang tanawin. Sa Anilao, Batangas, nung isang linggo, may nakitang balyenang walong-metro. Panahon din sa Batangas ng dulong, maliliit na isda na tila alamang, masarap gataan.
Dalawa ang kalaban ng corals: starfish na lumalamon nito, at tao. Taon-taon, libo-libong bahura ang nasisira sa angkla, dynamit o cyanide fishing, at pagtapon ng basurang plastic sa dagat. Nalalason din sila ng maduming sewerage na binubuga mula sa mga kanal. At dahil sa usok-pabrika, umiinit ang karagatan (global warming) at "naluluto" ang corals.
Sa pagsulat nito, hinanap ko sa apat na diksyonaryo ang salitang coral sa Filipino. Wala! Nagtaka ako kung bakit. Puro corals naman sa Pilipinas, at ginagamit nung unang panahon bilang jewelry, sandata at pangkuta. Inusisa ko si Prof. Reuel Aguila, writer-linguist sa UP-Diliman. Aniya, may ibat-ibang tawag sa corals sa maliliit na isla. Pero sa Luzon, kinain ng Español at Inggles ang katutubong tawag sa corals. Aba, kako, kung ang salita ay naglaho na, baka ang corals din ay maglaho.