Ang mabuting pastol

ITINALAGA ni Pope John Paul II ang araw na ito bilang Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa mga Bokasyon. Madali natin itong maiuugnay sa ating Ebanghelyo sa araw na ito na kung saan pagninilayan natin si Jesus bilang Mabuting Pastol. Natapos na ni Jesus ang kanyang gawain ng pagliligtas. Subalit itinatag niya ang Simbahan upang ipagpatuloy ang kanyang gawain. Kailangan niya ng mga pari na gagabay sa espiritwal na pamumuhay ng kawan.

Maikli lamang ang Ebanghelyo, ngunit ito ay humihingi sa atin nang malalimang pagninilay (Jn. 10:27-30).

"Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.’"


May isang partikular na talata na nakaaakit ng ating pansin. Sinabi ni Jesus, "Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan." Ang handog na walang-hanggang buhay ay para sa kasalukuyang panahon. Nangyayari na ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Binibigyan tayo ni Jesus ng kanyang buhay. Tayo ay banal ayon sa kabanalan ni Jesus. Tayo ay mapagmahal batay sa pagmamahal ni Jesus. Minamahal at iginagalang natin ang kapwa gaya ng pagmamahal at paggalang ni Jesus sa bawat isa sa atin. Si Jesus, ang Mabuting Pastol, ay nagnanais para sa atin na "magkaroon ng buhay na ganap."

Show comments