Bitag hulog sa 'BITAG' ng radar sa skyway

EKSKLUSIBONG mapapanood sa mga darating na episode ng "BITAG" ang aktuwal na footage ng pagpapahuli ng grupo ng BITAG Investigative Group sa mga operatiba ng Philippine National Construction Corporation o PNCC at Skyway.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa larangan ng Investigative Television, ilalantad ng "BITAG" ang mga impormasyong dapat malaman tungkol sa "radar".

Marahil ang iba sa atin ay walang sapat ng kaalaman ukol sa pamantayan ng Skyway kung sakaling sila ay manghuhuli ng mga motoristang lumalabag sa isa sa mga batas na mahigpit nilang ipinatutupad: Ang overspeeding.

Sinadya ng aming grupo ang pagpapahuli sa mga operatiba ng PNCC para na rin sa kaalaman ng publiko kung ano ba talaga ang batayan ng nasabing pamunuan sa pag-huli ng mga motoristang nag-o-over speeding.

Hindi lamang namin ipapakita ang aktuwal na paghuli sa amin ng PNCC kundi pati ang mga impormasyon ukol sa aktuwal na operasyon ng "radar" at ng enforcer na nagsisilbing operator o "spotter".

Layunin ng "BITAG" na magbigay impormasyon para na rin sa kaalaman ng ating mga kababayang motorista. Ito’y upang maiwasan na rin ang mga aksidenteng maaaring mangyari habang binabaybay ang kahabaan ng Skyway.
* * *
BITAG hotline numbers, para sa mga NAABUSO, NAAAPI, at BIKTIMA ng PANLOLOKO o anumang uring katiwalian, I-text (0918) 9346417 o tumawag sa mga numerong ito 932-8919 / 932-5310. Manood tuwing Sabado, 7:00-8:00 p.m. IBC-13, "BITAG"

Show comments