Ang Home Guaranty Corporation (HGC) ay isang sangay ng pamahalaan na inatasang magpatupad ng sistemang garantiya para sa mga pautang at puhunan ng pribado at pampublikong sektor para sa programang pabahay. Ang sistemang garantiya ng HGC ay isang programa ng pamahalaan upang hikayatin ang mga banko, institusyong pinansiyal at mga iba pang mamumuhunan na magpautang o mag-invest sa mga developers para sa kanilang mga proyektong pabahay at sa mga nais bumili o magpatayo ng kanilang sariling tahanan.
Ang mga programang garantiya na pinapatupad ng HGC ay ang Retail Loan, Developmental Loan Guaranty, Guaranty for Securitization Schemes at Cashflow Guarantee System. Ang Retail Loan Guaranty ay garantiya sa mga pautang sa mga bumibili o nagpapagawa ng sariling tahanan. Ang Developmental Loan Guaranty naman ay garantiya sa pautang para pagpapatayo ng mga subdibisyon, townhouse, dormitoryo, apartment at mga iba pang uri ng mga proyektong pabahay. Ang Guaranty for Securitization Schemes ay garantiya sa mga securities o financial instruments para sa pabahay. Ang Cashflow Guarantee System (Abot-Kaya Pabahay Fund) ay garantiya laban sa pagkalugi sanhi ng hindi pagbabayad sa pautang ng SSS, GSIS, HDMF at ang kanilang mga accredited financial institutions.
Sa ganitong sistema makikita ang pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor upang maipatupad ang tunay at makabuluhang programa sa pabahay.