"Wala ng trabaho lang,personalan na !"

MULI NA NAMANG NAKALADKAD ANG PANGALAN NI VICE-PRESIDENTIABLE CANDIDATE NOLI ‘KABAYAN’ DE CASTRO SA ISANG MALAKING ESKANDALO NA BINUKSAN NG DATI NITONG ASAWA SA KATAUHAN NI PACITA TORRALBA.

Ika nga ng isa ring broadcaster, "dun sa mga naghahangad na magtampisaw sa batis ng pulitika, kailangang magpaalam muna sa kani-kanilang mga pamilya, kasabay ang paghahanda sa kanila sa mga intriga’t eskandalo kung saan sila kakaladkarin ng pulitika".

Ganito nga ang ekasaktong nangyayari ngayon kay Kabayan. Dahil pagkatapos ng hindi iilang mga pagbatikos at pag-akusa tungkol sa pangongotong niya "diumano" gamit ang kanyang programang, Magandang Gabi Bayan, heto at may panibago na namang isyu na ayon nga sa kanya ay "masyado ng personal at below the belt!"

Nagsimula ang usaping ito nang sa hindi naman maitatagong dahilan ay lumabas itong dating asawa ni Kabayan at hayagang ikampanya si Sen. Loren Legarda, sabay panawagan sa mga kababaihan na hindi dapat ibigay ang suporta sa dating asawa. Hindi daw ito karapatdapat sa anumang posisyon sa gobyerno, lalo pa sa pagiging bise-presidente.

Inakusahan pa nitong dating misis si Kabayan na naging pabaya daw sa kanila ng anak na si Manuelli, sinungaling at nakiapid sa ngayo’y asawa nitong si Arlene Sinsuat-de Castro. Hindi rin daw totoong nakatapos ito ng kursong Commerce sa kolehiyo gaya ng inilagay nito sa kanyang Certificate Of Candidacy (COC). Hanggang 2nd yr lang daw ito sa kolehiyo. At kung meron man itong naipakitang diploma ay malamang na galing ito sa Recto.

Kaiba naman sa mga naunang obserbasyon na nanatiling tahimik si Kabayan sa mga akusasyon, sa pagkakataong ito’y simbilis ng kidlat na agad siyang dumepensa at pinabulaanan ang mga akusasyon ni dating sesmi (misis din yun.) Ngayon, meron pang bagong pampasabog. Pinipilit daw ni Noli si Toralba na uminom ng pampalaglag ng bata ng siya’y nagbubuntis pa nun kay Manuelli. Ito’y tinanggihan daw niya at iniluwal ang sanggol sa mundo.

Hindi ako tagapagtanggol ni Noli de Castro. "There is no hatred between him and me. No love lost either." Subalit sa ganitong pagkakataon, bakit ngayon lang lumabas ang ginang na ito? Bakit nung tumatakbong Senador si Kabayan, hindi siya lumantad at nagngangawa, kung "sincere" nga siya sa layunin niyang bigyan babala ang taong bayan sa katauhan ni Noli Boy? I can relate with Noli De Castro dahil ako rin ay single parent. Tatlo ang anak ko at itong mga ito ay pinalaki ko na hindi man lang tumulong ang kanilang ina. Masakit makaladkad ang pangalan mo dahil sa isang babaeng hindi naman alam ang tunay na kahulugan ng pagiging ina. Kay Noli De Castro at Arlene lumaki at nakatikim ng pagmamahal at kalinga si Manuelli hanggang ito’y nagkapamilya. Ito’y lantarang sinabi naman ni Manuelli.

Ang paglutang ni Toralba ay kahina-hinala.

Sa ganang akin, di dapat pag-aksayahan ng panahon ang mga sinasabi ng babaeng ito. Panahon ng kampanya. Panahon din ng batuhan ng putik.

Pati komedyante narinig natin tawagin "tonto" ay isang tituladong pinuno ng ating bayan. Baka si "Tonto" na sidekick ni Lone Ranger ang kanyang ibig sabihin.

Nang tanungin naman si Kabayan kung sino sa tingin niya ang nasa likod ng usaping ito, "Iisa lang naman ang kalaban ko," na hindi man sabihin ang pangalan, eh, hindi naman tayo bobo para hindi maisip na si Sen. Loren ang pinatutungkulan niya rito.

Mukhang umiinit na ang bakbakang De Castro at Legarda, at nakakalimutan na yata ng dalawa ang sinabing "mananatili silang magkaibigan", anuman ang kalabasan ng labang ito sa eleksyon.

Hindi na bago sa atin ang ganitong klaseng eksena tuwing nalalapit ang eleksyon. Hindi nga angkop ang tinuran ni "batis ng pulitika" kundi "putikang pulitika".

Kung talagang sa kampo ni Lovely Loren ang isyung ito, eh mukhang nagkamali sila ngayon dahil tiyak na hahakot ng simpatya si Kabayan sa pangyayaring ito na personalan na nga ang labanan.

Sa pag-iimbistiga, dapat halukayin ng mabuti ang lahat ng angulo. Hindi lamang "ang obvious." Kahit sino ang makarinig kay Toralba, hindi nito makukuha ang simpatya ng tao. Maiinis ka pa nga dito. Ganun naba kabobo o desperado ang kalaban ni Kabayan at hindi iisipin ang lahat ng ito?

Kaliwa’t-kanan ang banat kay De Castro sa diumano’y "pangingikil."

Hindi kaya itong si Toralba, "knowing fully well na hindi siya credible is actually doing De Castro a favor by coming out and professing her support for Loren and doing a demolition job on Noli? By doing so, he now becomes the oppressed. A reprieve from being the oppressor as claimed by the people filing charges against him."

"Walang impossible sa politika." Ano sa palagay n’yo mga kababayan?

Para sa anumang comments at reactions ay i-text po lamang sa 09179904918 o tumawag sa telepono 7788442.

NAIS KONG PASALAMATAN SI MS KAREN RAMOS-HEBRON, REGISTRAR NG DE LASALLE, CANLUBANG PARA SA KANYANG TULONG.

Show comments