Disiplina sa bangketa

ANG BANTAY KAPWA ay nakikiisa sa programang ‘‘Disiplina sa Bangketa’’ ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Binigyang-diin ni MMDA Chairman Bayani Fernando na dapat ang lahat ng mamamayan ay malaman at sundin ang mga batas sa bangketa. Dapat na gamitin ang bangketa bilang lakaran ng mga tao at ito’y makakatulong sa paglutas ng problema sa trapiko. Narito ang ilang bagay na ayon sa MMDA, ay para na rin sa kabutihan ng lahat. Bawal ang bumili ng mga nagtitinda sa mga bangketa. Sundin ang mga batas trapiko, may pulis man o wala.

Sinupin ang mga basura, maging ito’y nasa bahay o kung saan man. Ibulsa muna o ilagay sa bag ang mga mumunting kalat. Huwag lumura sa public places at huwag umihi sa puno o pader dahil aso lamang ang gumagawa nito. Huwag maglaba, magkula at magsampay ng damit sa bangketa. Huwag pakawalan ang mga alagang hayop sa kalye. Pamalagiing malinis at maayos ang inyong katawan gayundin ang inyong tahanan at kapaligiran. Ilan lamang ito sa mga gabay na kung susundin at mabisang maipapatupad ay malaki ang benipisyo sa marami.

Show comments