Kung ang mga teroristang Abu Sayyaf nga ang may kagagawan sa trahedyang sinapit ng SuperFerry 14 na nasunog sa may Corregidor Island noong Biyernes ng madaling araw, maitatanong kung anong klaseng seguridad ang ipinatutupad ng mga alagad ng batas o maging ng may-ari ng barko. Dalawa ang namatay at 142 pa ang nawawala nang masunog ang ferry habang patungo sa Bacolod at Cagayan de Oro City. May 756 naman ang nai-rescue. Sinabi ng mga nakaligtas na biktima na dakong 12:30 a.m. noong Biyernes ay nakarinig sila ng pagsabog at kasunod ay ang pagliyab. May nagsabi naman na ang sunog ay nagmula sa isang airconditioning unit at may nagsasabi na nanggaling ang apoy sa engine room.
Isang nagngangalang Jainal Antel Sali Jr. alias Abu Soliman, intelligence officer ng teroristang Abu Sayyaf, ang nagsabi sa isang phone interview na sila ang may kagagawan ng pagsabog sa ferry. Ganti umano nila iyon sa karahasang ginagawa sa Mindanao at panggagahasa ng mga sundalo sa kababaihang Muslim. Sinabi ni Soliman na itinanim daw ang bomba ng isang mujajid o freedom fighter.
Totoo man o hindi ang sinabi ng teroristang si Soliman, ang pinag-uusapan dito ay ang klase ng seguridad na pinatutupad ng mga awtoridad at mga may-ari ng establisimiyento, barko o maging ng eroplano. Hindi dapat makalimutan ang trahedya sa Light Rail Transit (LRT) noong Dec. 30, 2000 kung saan tinaniman din ng bomba at maraming namatay.
Hindi pa durog ang mga teroristang Abu Sayyaf at may kakayahan silang magsabog ng lagim. Nalilimutan na ba sila makaraang mapatay si Abu Sabaya at mahuli naman si Robot? Hindi dapat maging ningas-kugon sa pagpapatupad sa seguridad. Ngayon ay kapansin-pansin na hindi na gaano ang paghihigpit sa LRT. Wala na ring mga sniffing dogs, wala nang mga pulis na nakasakay sa tren. Maaaring maganap ang malalagim na pangyayari kung tutulug-tulog ang mga awtoridad.