Noong Oktubre 11, 1990, nagsagawa ang KJS at si Luis ng isang Deed of Assignment kung saan isinasalin ni Luis kay KJS ang pautang nito sa JRC. Ayon sa kasunduan, ang KJS ay binigyan ni Luis ng karapatan na maningil, mangolekta at tumanggap ng pautang sa kanyang pangalan. Ipinaalam din ni Luis na nakatakda nang magbayad sa kanya ang JRC kaya tutulungan niya ang KJS na maisagawa ang paniningil dito.
Subalit nang ipatupad ng KJS ang paniningil, hindi kinilala ng JRC ang Deed of Assignment dahil may pagkakautang pa raw si Luis sa kanila. Dahil sa pagkabigong masingil ang pautang, sinampahan ng KJS ng kaso si Luis lalo na at tumanggi itong magbayad. Sinabi ni Luis na wala na siyang obligasyon pa sa KJS nang isalin na nito ang kanyang pautang sa JRC. Tama ba si Luis?
MALI. Katulad ng kasunduan sa pagbibili, ang nagbibili katulad ni Luis ay may pananagutan upang umiral at maging legal ang kredito sa panahon ng pagbibili (Artikulo 1628, Kodigo Sibil). Kaya si Luis ay may pananagutan sa lahat ng gugulin at kapinsalaan na nangyari sa KJS.
Si Luis ay sumira rin sa kanyang obligasyon sa kasunduan kung saan ginarantiya niya ang KJS sa epektibong pagpapatupad ng paniningil sa kanyang pautang sa JRC. Kaya, kailangang bayaran ni Luis ang KJS sa halagang P335, 462.14 kasama ang 6 percent bilang legal na interes kada taon mula nang ihain ang kaso hanggang sa mabayaran ito. At kapag naibaba na ang pinal na desisyon, 12 percent na ang magiging legal na interes nito. (Lo vs. KJS ECO Formwork System Phils., Inc. G.R. 149420, October 8, 2003)