Ang pagbabanta ng kampo ni FPJ ay naganap nitong mga huling araw matapos umugong na magpapalabas ng 8-5 desisyon ang Mataas na Korte na nagsasaad na hindi siya Pinoy. Maliwanag kasi sa mga dokumento na isinumite mismo ni FPJ sa Commission on Elections (Comelec) na ipinanganak siya ng Agosto 20, 1939, halos isang taon bago magpakasal ang mga magulang niya. Ayon sa batas (Serra vs. Republic, L-4223 12 May 1952) illegimate child si FPJ at dapat ang nationality ng ina niya na si Bessie Kelly ang gagamitin niya. Maliwanag na hindi dapat tumakbo bilang presidente si FPJ dahil hindi nga siya Pinoy, di ba mga suki?
Kaya abot langit ang ngitngit ng kampo ni FPJ at nagawa nga nilang magbanta na naman ng kaguluhan. Eh, ang tiyak niyan, hindi naman ang mga artista ang mangunguna sa martsa dahil takot silang masaktan kahit may pera sila. Ang inuudyukan nila ay ang masa na hindi iniisip ang future nila basta lang matugunan ang panawagan ng mayayaman at kumita ng konting salapi para isuporta sa kanilang pamilya. Pero hindi pa ba kayo nadala na hindi rin kayo halos nabayaran noong May 1 riot sa Palasyo, ha mga suki nating masa?
Ayon sa mga kausap kong masa, ang mga lider ng kaguluhan noong Mayo 1 na sina Sen. Gringo Honasan at Juan Ponce Enrile ay sa kampo na naman ni FPJ. Di ba itong mag-amo na sina Gringo at Enrile ay palaging sangkot sa kaguluhan lalo na sa pang-aagaw ng poder na gobyerno? Yan ang tanong ng kausap kong masa. Kung sabagay, key players itong sina Gringo at Enrile sa EDSA 1, God Save the Queen at sa May 1 riot nga.
Mukhang kapag hindi nila makuha sa demokrasya ang pamunuan ng bansa eh sa santong paspasan eh kakanain nila, dagdag pa nila. Siguro, magugulantang na lang ang kampo ni FPJ kapag kokonti na lang ang susulpot sa panawagan nilang kaguluhan.
Sawa na ang masa sa gulo at gusto naman nila ang mapayapang pamumuhay na sa tingin nila ay hindi maibigay sa kanila ng lide-rato ni FPJ nga, he-he-he! Sa puting tabing maaring palaging panalo itong si FPJ pero sa batas natin mukhang may semplang siya!