Ang nagpaparumi sa atin

NGAYON ay kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Ang Lourdes ay lugar sa France kung saan nagpakita si Maria kay Bernadette Subirous. Ang Lourdes ay lugar na nakapagpapagaling.

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa kung ano ang nagpaparumi sa isang tao. Narito ang salaysay sa Mk. 7:14-23.

Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, "Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya. Ang may pandinig ay makinig."

Iniwan ni Jesus ang mga tao; at nang makapasok na sa bahay, siya’y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. "Kayo man ba’y wala ring pang-unawa?" tugon ni Jesus. "Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya, sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi." Sa pagsasabi nito’y para nang ipinahayag ni Jesus na maaaring kainin ang lahat ng pagkain. Nagpatuloy siya ng pagsasalita: "Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya."


Hindi tayo ginagawang marumi ng mga pagkaing ating kinakain. Ang ating mga ginagawang masama – tulad ng pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya – ay mga kapasyahang mula sa ating kalooban at ito ang nagpaparumi sa atin.

Upang iugnay ito sa kapistahang ating ipinagdiriwang ngayon, hilingin natin sa Mahal na Birhen ng Lourdes na tayo’y tulungan niyang mapanatiling malinis ang puso’t kaluluwa.

Show comments