Pagbubukod ng Estado at Simbahan

PINAYAGAN na ng Comelec si Bro. Eddie Villanueva na kumandidato pagka-Presidente. Pero may mga nagsasabi pa ring labag ito sa Saligang Batas, lalo na sa probisyon sa pagbubukod ng Simbahan at Estado. Dala ito ng di pag-unawa sa kasaysayan.

Iginiit ng mga maka-demokrasya ang pagbubukod para pigilan ang pagtatayo ng gobyerno ng sariling relihiyon. Nu’ng unang panahon kasi, ipinilit ng halos lahat ng hari sa Uropa ang Katolisismo. May basbas ng Papa sa Vatican ang kanilang pagkakaluklok. (Kakaiba nga ang mga Moors ng Morocco na sumakop sa Espanya pero hinayaan ang malayang pananampalataya. Di naglaon, inaway ni King Henry VIII ng England ang Papa dahil ayaw siyang pahintulutang idiborsiyo ang asawa. (Pang-apat na sanang kasal ‘yon; pinatay niya ang dalawang unang asawa.) Nagtayo si Henry ng sariling bersiyon ng Kristiyanismo. Dinala ito ng British sa Amerika. Nakabangga nila roon ang mga Irish at kapwa British na sumanib sa nais na relihiyon. Nang mag-rebolusyon ang Amerika, isinakatuparan sa kanilang Konstitusyon ang pagbubukod ng Simbahan at Estado. At dahil sa karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng prayleng Kastila, isinama rin ang pagbubukod sa Commonwealth Constitution.

Hindi pinagbabawal ng Saligang Batas na maupo sa puwestong gobyerno ang mga taga-Simbahan. Katunayan nga, isa sa commissioners si Fr. Joaquin Bernas, SJ, na umakda ng 1987 Constitution. Naupo si Bro. Andrew Gonzales bilang education secretary nu’ng panahon ni Erap. Ang ipinagbabawal ng Saligang Batas ay ang paggamit ng puwesto upang isulong ang iisang relihiyon.

Sa iba’t ibang bansa kamakailan, tulad ng Norway at Fiji, nagugulo ang mga mamamayan sa sobrang kamunduhan at kabuktutan. Nagbitiw ang mga lider ng iba’t-ibang simbahan para kumandidato pagka-prime minister o presidente. Paniwala nila, halaw sa Bibliya, pagpapalain ang bansang maka-Diyos. Ito ang kuwento sa 2 Chronicles 34-35, kung saan naging tagsagana sa Israel nang maupo ang matinong Haring Josiah.

Show comments