Isyu ito ng Saligang Batas. Pinapa-DQ ni Victorino Fornier si FPJ dahil hindi raw ito natural-born Filipino, labag sa probisyon na lahat ng nais maging presidente, bise, senador o congressman ay dapat likas na Pilipino. Kaya Korte Suprema ang didinig dito, ika nga ni Sen. Aquilino Pimentel, na kapartido mismo ni FPJ.
Huwag sanang magtagal ang usapin sa Korte, kung saan maraming nakabinbin na kaso. Hindi makatarungan kung mangangampanya si FPJ simula Feb. 9 na may alinlangan sa kandidatura. Manlulumo ang taga-suporta, magdududa ang taga-pinansiya.
Tinuro ni Fornier ang birth certificate na binigay ni FPJ sa Comelec. Petsa 20 Aug. 1939, nakasaad doon na kasal ang amang Allan Fernando Poe, Pilipino, at inang Bessie Kelly, Amerikano. Kaya lehitimong anak si FPJ. Pero hirit ni Fornier, mali o minali ang entries na ito. Naglabas siya ng marriage contract ni Allan at isang Paulita Gomez, petsa 5 July 1936, nagsasaad ng sila ay Kastila. Naglakip pa ng demanda ni Gomez, petsa 13 July 1939, sa pakikiapid ni Allan kay Bessie. At naghabol ng birth certificate ni Allan, petsa 27 Nov. 1917, na nagsasabing Kastila siya.
Pinalabas ni Fornier na anak sa labas si FPJ. Batay daw sa ruling sa US vs Ong Tianse (1915), Amerikano siya. Kasi ang mga ilehitimong anak ay sumusunod sa citizenship ng ina.
Pero nalagay sa alingasngas ang tatlong dokumento. Nilantad ng tatlong empleyado ng National Archives na inutusan silang doktorin ang printouts mula sa microfilm. Sumumpa man si Archives director Ricardo Manapat na hindi nila niretoke ang microfilms mismo, halata sa pahayag niya na sobra ang kontra-FPJ na interes niya sa kaso. Labag ito sa Election Code. Tapos, naghugas-kamay ang Comelec sa kaso.
(Itutuloy bukas)