Ang problema kay Da King, tila siyay camera at mike shy. Bakit pag gumagawa ng pelikulay hindi naman? Ayaw humarap sa taumbayan para sagutin punto-por-punto ang mga alegasyon laban sa kanya. Tuwing maiimbitahan para magsalita tungkol sa ilang pambansang isyu, laging umaayaw sa last minute. Laging may dahilan. Kailangan sa isang presidentiable ang pagiging bibo. Handang humarap sa ano mang forum para tumalakay sa mga pambansang isyu. Handang sumagot sa mga pangit na alegasyong ikinakapit sa kanya.
Kung sadyang ibig ni Da King na maging leader ng bansa at residente ng Malacañang, hindi siya dapat umiwas sa mga hamong makipagdebate. Sa Estados Unidos o alinmang bansa, ang mga kandidato sa pagka-Pangulo ay nagtatagisan ng talino sa harap ng publiko. Dapat malaman ng taumbayan ang plataporma at hindi puro porma. Diyan ibabase ng mamamayang botante kung ang kandidatoy dapat iboto o hindi. Seryoso ang mga problema ng bansa at kinakailangan ang isang lider na may nakahandang pormula upang lutasin ang mga problemang ito. Ngayon pa lang kasiy marami na ang nagdududa sa kakayahan ni FPJ para pamunuan ang bansa.
Maraming nagte-text sa atin ang nagsasabing "FPJ, idol kita pero huwag ka nang kumandidato dahil wala kang karanasan." Kailangang patunayan ni Da King na mali ang iniisip ng tao sa kanya. Na kahit wala siyang karanasan sa pamamalakad ng bansa, may mga nakahanda siyang kalutasan sa mga dambuhalang problema nito.
Posible ring ang mga inaakusa sa kanya na hindi siya Pilipino ay isa lamang demolition job. Puwes, lumantad siya sa bayan at personal na pasinungalingan ang mga bintang na ito. Hanggat susukut-sukot si FPJ sa isang sulok at nahihiyang magsalita, apektado ang kanyang hirit sa panguluhan. Hindi siya makakapangampanya nang maayos habang pinagdududahan ang kanyang pagka-mamamayan.