Nasa timing ang desisyon ng Supreme Court na i-forfeit ang $683 million Marcos Swiss deposits. Hindi maiaalis na mag-isip ang taumbayan na baka ang perang ito ay nakawin at gamitin lamang sa kampanya. Maganda ang balita ng SC pero may hatid ding pangamba sapagkat baka ang perang matagal nang hinihintay ay mapunta lamang sa ibang mga kamay.
Pero huwag matakot sabi ng Presidential Commission on Government (PCGG) sapagkat may magandang kapupuntahan ang pera. Ayon kay Haydee Yorac, chairwoman ng PCGG, dalawang special accounts sa national treasury ang kapupuntahan ng Marcos loot. Una ay sa agrarian reform program at ikalawa ay sa mga biktima ng martial law. Sinabi naman ni President Gloria Macapagal-Arroyo na natutuwa siya sa desisyon ng SC. Makikipagtulungan aniya siya sa Congress para pantay-pantay na mabayaran ang lahat ng mga biktima ng martial law. Kapag naging pinal na ang desisyon ng SC, ipagkakaloob na ito sa kanila.
Ang Marcos Swiss deposits ay naka-escrow sa Philippine National Bank noon pang 1998. Noong November 18, 2003 ipinag-utos ng SC sa Sandiganbayan na i-forfeit ito pabor sa gobyerno sapagkat ill-gotten.
May kabuuang 9,539 martial law victims ang nag-file ng suit sa Hawaii laban kay dating diktador Ferdinand Marcos. Nanalo sila. Nagkaroon ng pag-asa na ang kanilang dinanas na kaapihan at paghihirap sa kamay ng mga sundalo ni Marcos ay magkakaroon ng hustisya. Hanggang sa kasalukuyan marami pa ring biktima ng martial law ang hindi nakikita. Karamihan ay mga inabuso, tinorture hanggang sa mamatay. Marami ang ibinaon sa talahiban at ang iba ay hindi na makita ang bangkay.
Ang Marcos loot ay nararapat mapunta sa mga biktima ng pagmamalupit at ganoon din sa Agrarian Reform. Gamitin sa pag-unlad at hindi sa pansariling kapakanan. Nararapat na bantayan ang perang ito upang hindi mahokus-pokus.
Talamak ang corruption sa pamahalaan at hindi mahirap isipin na baka mapunta lamang sa mga "hayok na buwaya" ang pera. Kaya pinaka-mabuti na ang mga martial law victims na rin ang maging tagapagmatyag. Huwag pumayag na ang pera ay ma-release sa panahong ito ng eleksiyon upang hindi mabahiran ng katiwalian. Nararapat na pagkatapos ng eleksiyon saka ito ibigay sa mga claimants. Manmanan ang mga galaw ng kamay na makikialam sa perang ipinaglalaban.