Nabulabog din ang tanggapan ng DENR Public Information Office sa Visayas Avenue, Quezon City nung Lunes. Sila mismo ang tumawag sa akin upang humingi ng karagdagang impormasyon.
Inamin ng DENR Region 3, Regional Technical Director for Forestry si Regidor de Leon na personal kong nakausap sa cellphone, isa raw sa mga "hot spots" ng illegal logging ang Gen. Tinio, Nueva Ecija.
Sa pangyayaring ito, nadiskubre ko ang bagay na hindi nailalabas sa media. Hinggil ito sa umanoy kanilang kahilingan na ipa-relieved ang mga hinayupak na sundalo ng Philippine Army (PA) na nakakasakop sa nasabing lugar.
Ayon pa kay De Leon, nakikipagsabwatan daw ang mga sundalo na miyembro ng 7th Infantry Division ng PA sa mga illegal loggers.
Dagdag pa ni De Leon, mapanganib at armado ang mga tauhan ng mga illegal loggers dahil ang mga ito walang takot na nakikipagpalitan ng putok kapag silay nasusukol.
Diretso ako sa aking pananalita at hindi ako marunong magpatumpik-tumpik pa. Kaya ikaw Regional Technical Director for Forestry Regidor de Leon, makinig ka!
Kung kaya mong "paikutin" ang inyong secretary na si Elizea Gozun sa pamamagitan ng iyong Memorandum na may petsang January 12, 2004, hindi ka uubra sa "BAHALA SI TULFO!"
Hindi ako ipinanganak kahapon tulad ninyo diyan sa DENR! Kaya ka lang napilitang sumulat sa pamamagitan ng iyong Memorandum sa inyong secretary na si Elizea Gozun, ay dahil sa aking nailathalang kolum na may pamagat, "Para sa DENR: Basahin ang liham na to!"
Sabihin na nating totoo ang nilalaman ng iyong Memorandum at hindi "drawing" para kay secretary, dapat noon mo pa ito ginawa! Bakit ngayon lang?
Nagpapaliwanag kayo ngayon kay Gozun, dahil sa aking naisulat. Ang problemang tulad nito, dapat nauunang nakakaalam ang inyong pinuno. Hindi yung naiiputan muna siya sa bumbunan bago niya nalalaman.
Ganito kami sa "BAHALA SI TULFO!" Layunin namin ang pakilusin kayo, Pronto!
Sige, susubaybayan namin kayo. Titingnan namin kung hanggang saan ang abilidad ninyo gumawa ng aksiyon. Hindi yung saka kayo aaksiyon matapos kayong mabisto.
Ngayong tapos na kayong NGUMAWA, panahon pakita nyo ang inyong MAGAGAWA!