Kinontra ako ng isang kaibigan. Dahil lang daw ba sa takot sa mga political detractors ni GMA ay hindi na natin siya iboboto? Kung si GMA daw ay handang harapin ang kanyang mga tagatuligsa, bakit naman daw di siya dapat suportahan ng mga naniniwala sa kanyang agenda? Naniniwala ang kaibigan ko na sa dakong huli, ang "silent majority" ang hahatol at muling magluluklok kay Mrs. Arroyo sa Malacañang. Inisa-isa ng kaibigan ko ang mga nagawa ni GMA. In fairness, gusto kong ilathala ang mga ito: Si GMA lamang aniya ang, bukod kay Ramon Magsaysay ang Presidenteng sorpresang dumalaw sa mga presinto ng pulisya, NAIA, at iba pang ahensya ng gobyerno upang tiyaking nagtatrabaho ng tama ang mga opisyal at kawani;
Napanatili ni GMA ang pisong halaga ng pandesal at otso pesos kada lata ng sardinas; Sa kabila ng pagtaas sa presyo ng krudo sa pandaigdig na merkado, nanatili ang presyo ng pasahe dahil personal siyang nakiusap sa mga drivers at operators gayundin sa mga kompanya ng langis upang mabigyan ng diskuwento ang mga pampublikong transportasyon;
Dagdag ng igan ko, napanatili ang P60 kada kilo ng galunggong at P14 bawat kilo ng bigas. Nahigitan din ng administrasyon ni GMA ang ibang administrasyon sa dami ng pabahay na ipinamahagi sa mga maralita;
Bukod diyan, aniya, nakatakda na ang operasyon sa Abril 2004 ng "Tren-Ikot" na mag-uugnay sa lahat ng mass transit system sa Metro Manila. Ito ang tinataguriang pundasyon ng mass-based transport system policy ng administrasyong Arroyo. Ito diumanoy solusyon sa sumisikip na daloy ng trapiko sa Kamaynilaan. Ngunit ito ang hinagpis ng kaibigan ko, maraming Pinoy ang hindi nakababatid ng mga benepisyong ito dahil sa kabi-kabilang paninira sa administrasyon.