Sa pagpasok ng Bagong Taon, isan pagsabog kaagad ang pinakawalan ng hepe ng NCRPO na si Chie Dir. Ricardo de Leon nang sibakin niya sa puwesto si Chief Inspector Jacson Tuliao ng RISOO, dahil sa pagkalong nito kay Randy Sy, ang pinakamalaking video karera operator ng Maynila sa ngayon. Kung itong aksyon ni De Leon laban kay Tuliao ang gagawing basehan, mukhang may kalalagyan ang mga tiwaling pulis ng NCRPO sa darating na mga araw. Si Tuliao kasi ay nagsagawa ng malawakang raid laban sa video karera sa Maynila noong nakaraang mga araw subalit hindi niya ginalaw ang makina ni Sy na inaanak ni Manila Mayor Lito Atienza. Nagkita kasi kami ni De Leon noong Linggo at tiniyak niya sa akin na hindi niya palalampasin ang ilegal na gawain ni Tuliao at iba pang katulad niya sa hanay ng NCRPO natin. Kasi nga, imbes na dalhin sa NCRPO ang nahuli niyang makina, dinala ito ni Tuliao sa base niya sa Tondo at inilatag sa sakop ng Station 3 at 7 matapos lagyan ng sticker ni Randy Sy. Ika nga, nag-astang ahas si Tuliao na kaagad namang itinapon ni De Leon sa RSSG ng Camp Bagong Diwa. Ibig kong sabihin, nawalan siya ng lason, he-he-he! Wala talagang ibubungang maganda kapag nasangkot ka sa ilegal, di ba mga suki?
Hindi lang si Tuliao ang pinahirapan ni De Laon kundi maging si Insp. Ed Morata, ng NCRPO rin. Matapos makapagkumpiska ang kanyang grupo ng 10 kilo ng shabu, nangharibas din ng panghuhuli ng video karera at iba pang uri ng sugal si Morata at malaking gulat niya nang matapos na rin siya sa RSSG. Ang ibig kong sabihin dito, hindi rin pala consistent si De Leon sa kanyang mga aksyon. Kung manghuli ka ng pasugalan, sibak ka at kung kumalong ka nito ay sibak ka rin? He-he-he! Ano ba yan?
Alam kaya ni De Leon na may grupo ng kalalakihang umiikot na sa Metro Manila para gisahin ang pangalan niya sa mga gambling lords? Hindi inalintana ng grupo ang kautusan ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. na "one strike" policy sa jueteng bunga sa pilt nilang panghingi ng lingguhang intelihensya sa mga gambling lords. Ni hindi pa nga naka-isang buwan sa puwesto si De Leon pero sabit na siya sa jueteng, di ba mga suki? Mismong si De Leon kaya ang may go-signal sa grupo para mangolekta ng intelihensya? Si De Leon kaya ang unang magiging biktima ng one strike policy ni Ebdane? He-he-he! Tandaan! Palagi sa huli ang pagsisisi, di ba mga suki?
Kung sabagay, si Ebdane lang at si Dir. Avelino Razon ang hepe ng directorate for operations ng PNP ang naniniwala na 88 porsiyento ng jueteng sa bansa ay sarado na. Maging ang mga nakakau-sap nating opisyales ng PNP ay humagikgik sa katatawa sa jueteng campaign ni Ebdane dahil alam nila tuloy ang bigayan ng intelihensya. Sa totoo lang, malaking tulong sa mga gambling lords ang kautusan ni Ebdane dahil nawala ang ibat ibang klaseng hirit mula sa kapulisan nitong nagdaang mga araw, ha-ha-ha!
Ang saya ng Bagong Taon ng kapulisan natin, no mga suki?