Inamin ni Dr. Cornejo na kaya hindi siya nagmumukhang matanda ay dahil sa kanyang "clean living". Hindi siya naninigarilyo. Social drinker siya. Bihira siyang kumain ng karne lalo na ang karneng baboy. Sagana siya sa bitamina at pagkain ng mga sariwang gulay at prutas at isda sa kanyang daily diet. Araw-araw ay walong basong tubig ang iniinom niya. Alas-singko ng umaga kung siyay gumising. Nagdarasal siya tapos ay nag-eexercise, naliligo at nagsisimba. Sinabi niya na malaking bagay ang pagiging espirituwal. Marami siyang tinutulungang batang lansangan, mga balo ng mga napatay na sundalo sa Mindanao gayundin ang mga nasa Elsie Gaches Village sa Muntinlupa. Consultant siya ng Presidential Security Group Command Hospital.
Napakaganda at mabait ang maybahay ni Dr. Cornejo. Siyam ang anak ng butihing doktor na tumanggap ng napakaraming awards sa larangan ng medisina at serbisyo publiko. Nagtapos siya ng medisina sa University of Santo Tomas at nagpakadalubhasa sa ibat ibang bansa at sa gulang na 80 ay angkop na tagurian siyang isang living legend.