Ngunit bakit ito pinagdududahan ngayon? Isa sa mga kumukuwestyon dito ay ang kampo ni presidentiable Raul Roco. Kasi raw, ang presidente ng SWS na si Mahar Mangahas ay pinsan ni FPJ. May posibilidad nga naman na self-serving ang resulta ng survey nito na nagpapahayag na number one presidentiable si FPJ.
Hindi katakatakang manguna sa popularidad si FPJ. Milyun-milyon ang kanyang mga tagahanga. Tulad siya ni ex-president Joseph Estrada na isang sikat na aktor bago pasukin ang politika. Kaya kung manalo man sa halalan si FPJ, hindi ako magtataka.
Gayunman, batay sa mga natatanggap nating text feedback, mas marami ang humihikayat kay FPJ na huwag "pa-uto" sa mga politikong gumaganyak sa kanya na tumakbo. May nagsasabing paborito nilang aktor si FPJ pero ayaw nila itong maging Pangulo. Mahal daw nila si FPJ kaya ayaw nilang matulad ang kapalaran sa iniidolo rin nilang si Erap. Ito kayay indikasyon ng pagiging politically mature ng ating mga kababayan lalo na sa hanay ng nakararaming masa? Harinawa.
Kung totoong magkamag-anak si FPJ at Mangahas, talagang may mga taong magdududa sa kredibilidad ng survey. Kahit pa itoy totoo.
Siguro, dapat nag-inhibit ang SWS sa pagsasagawa ng survey na ito on the ground na ang namumuno ritoy kaanak ng isang presidentiable. Marami namang ibang prestihiyosong samahang maaaring gumawa ng survey na magiging mas kapani-paniwala.