Hanga ang Senador sa matatag na paninindigan ng Pangulo sa pakikibaka sa mga krimen tulad ng kidnap for ransom at droga. Aniya, ang pagbitay sa dalawang kidnap convicts sa papasok na taon ay magpapanumbalik sa tiwala ng taumbayan sa kakayahan ng administrasyon na maisulong ang hustisya.
Marami tiyak ang magagalit sa Pangulo, lalo na yung mga human rights group, simbahang Katoliko pati na ang mga kaanak ng mga kriminal na nakahanay na sa bitayan. Pero nakikiisa ako sa mag-amang Barbers sa panawagan sa publiko na suportahan ang restorasyon ng bitay dahil naririndi na ang ating lipunan sa talamak na krimen na mabilis na nagwawasak sa ating bansa. Pero tulad ng sinabi ni Ace Barbers, maliwanag ang isinasaad ng Konstitusyon sa article 8 section 19: for compelling reasons involving heinous crimes the ultimate sanction of death may be imposed. Kaya nga kung ang moratorium ay inalis ng Pangulo, itoy naaayon sa Konstitusyon at walang nilalabag na batas.
Alisin man ang bitay, lalaganap naman ang tinatawag na "salvaging" o ang extra-judicial execution ng mga kriminal na isasagawa ng mga grupong vigilante. Kailangan talagang sampolan ang mga nahatulan ng buktot na kriminal. Kung hindi, ngingisi-ngising parang demonyo ang mga kriminal na marahil ay luto na ang utak sa droga kaya kahit anong klaseng nakadidiring krimen ay kaya na nilang gawin.