Pasko na naman!

Napakabilis ng araw. Parang kahapon lamang nagpasko at ngayon ay Pasko na naman.

Bagamat marami ang naghihirap, walang trabaho, walang katahimikan dahil kaliwa’t kanan ang kriminalidad pansamantalang makakalimutan ang mga ito sa tuwing sasapit ang Pasko. Sa kabila ng kahirapan at kaguluhan ang taglay pa rin ng mga Pilipino ang tunay na diwa ng Pasko. Mapupuna na hindi kasing engrande ang gayak at mga palamuti ngayon kaysa sa mga nagdaang taon ngunit madarama pa rin ang Christmas spirit lalo na sa mga malls at iba pang recreation places.

Ang Pasko ay para sa mga bata na labis ang tuwa sa pagtanggap ng mga laruan at regalo sa Pasko. Anumang hirap ng isang pamilyang Pilipino ay nagagawa nilang ipagdiwang ang Pasko. Simpleng pagkain ang handa nila sa noche buena at media noche. Ang importante ay sama-sama at magkakasalo sila sa mesa.

Ang mga pamahalaang lungsod at munisipyo sa Kamaynilaan ay may taunang pamaskong handog sa mga empleyado gayundin sa mahihirap na maligaya sa pagtanggap ng mga regalong de lata, damit, sabon, gamot, bigas at iba pang gamit. Iba’t ibang NGO’s at mga public service foundations ang namumudmod din ng regalo sa mahihirap, mga maysakit at mga nasa bahay-ampunan. Magandang kaugalian ng mga Pilipino ay ang mamigay ng aginaldo lalo na ang mga ninong at ninang na sa tuwing Pasko ay nagreregalo sa kanilang mga inaanak. Ang kasabihang ‘‘it’s better to give than to receive’’ ay nananatili pa rin sa maraming Pilipino na naniniwala na ang pagbibigay at pakikibahagi ng anumang biyaya ay nagdudulot ng ibayong kaligayahan sa puso at kalooban.

Show comments