Lupang walang titulo

WALANG titulo ang nabiling lupa ng ina ni Poldo. Ang nasabing lupa ay binili sa kamag-anak na si Mando sa pamamagitan ng "Kasulatan ng Pantuluyang Bilihan". Ang pagbubuwis sa lupa ay nakapangalan kay Poldo. Nang mabili ito, nakiusap si Mando na pansamantalang magtayo ng bahay doon dahil wala siyang iba pang matitirahan. At dahil magkamag-anak, pinayagan ni Poldo si Mando nang walang bayad.

Subalit lingid sa kaalaman ni Poldo, nag-aplay si Mando ng titulo mula sa DENR Regional Office. Sinalungat ito ni Poldo at hiniling niya na lisanin na ni Mando ang lugar subalit tumanggi ito. Kaya, nagsampa si Poldo sa MTC ng kasong unlawful detainer laban kay Mando.

Samantala, itinanggi ni Mando ang pag-aari ni Poldo. Iginiit niyang ang lupa ay minana pa niya sa kanyang lola at matagal na siyang namumusesyon dito. Ipinakita rin niya ang Tax Declaration at mga resibo nito. Base sa mga alegasyon, hiniling niya sa MTC na idismis nito ang kasong isinampa ni Poldo. Ayon sa kanya, ang MTC ay may hurisdiksyon lamang sa usapin sa pamumusesyon sa lupa at hindi sa isyu ng pag-aari rito. Pinaboran ng Korte si Mando at nadismis ang kaso. Tama ba ang MTC?

MALI
. Ang hurisdiksyon ng Korte ay ibinabase sa mga alegasyon na nakalagay sa reklamo ni Poldo at hindi sa mga pagtatanggi ni Mando. Kaya, ang MTC pa rin ang may hurisdiksyon na litisin ang kaso. Ang pansamantalang pag-okupa ni Mando nang walang kontrata ng paupa ay nangangahulugan lamang na sa oras na hilingin ng may-ari nito na lisanin na ang lugar, hindi siya maaaring tumanggi kundi makakasuhan siya ng ejectment ni Poldo.

At dahil naging depensa ni Mando ang pag-aari sa lupa, maaari pa ring i-resolba ng MTC ang isyung ito upang matukoy ang isyu sa pamumusesyon.

Subalit ang magiging hatol sa isyu ng pag-aari ay hindi magiging konklusibo at hindi makaaapekto sa mga partido na magsasampa ng nasabing isyu sa tamang Korte na may hurisdiksyon dito (Perez vs. Cruz G.R. No. 142503, June 20, 2003).

Show comments