Makalipas ang mahigit dalawang taon, nagbitiw si Gerry bilang kasosyo kung saan naibalik sa kanya ang P250,000 na pinuhunan. Sa buwan ding yun, naisara nina Carmen at Willy ang restaurant sanhi ng pagtaas ng renta nito lingid sa kaalaman ni Diony at ng mga magulang nito. Samantala, ang mga muwebles at iba pang gamit sa kompanya ay idineposito muna sa bahay nina Mandy at Violy.
Noong 1987, sinulatan nina Mandy at Violy si Carmen na magbibitiw na rin ito bilang kasosyo dahil sa kawalan ng tiwala sa pamamalakad nito at ang mahinang balik ng kanilang puhunan. Hiniling din nila ang kanilang 1/3 na karampatang bahagi sa nasabing kompanya. Ilang beses itong hiniling nina Violy subalit hindi sila pinansin nina Carmen. Kaya, kinasuhan nila sina Willy, Carmen at ang asawa nito para mabawi ang puhunang P250,000. Mababawi pa kaya nina Diony at ng kanyang mga magulang ang halagang ito?
HINDI na. Walang karapatan sina Diony at ang magulang nito na bawiin ang puhunan kina Carmen at Willy. Bilang opisyal ng nasabing kompanya, naiiba ang kanilang personalidad sa kompanya. Ang kompanya ang dapat na magsauli ng nasabing halaga kina Diony at hindi sina Carmen at Willy.
Subalit sa kasong ito, ang maibabalik na halaga kina Diony ay magdedepende pa sa natitirang ari-arian ng kompanya. Kailangan pa rin munang bayaran ng kompanya ang pinagkakautangan nito bago pa man ang mga nasabing kasosyo.
At dahil nalugi na ang kompanya, ang orihinal na halagang P250,000 ay hindi na maibabalik kina Diony. Bilang namumuhunan sa isang negosyo, dapat ay handa sila sa ganitong pangyayari. Kaya, kailangan muna nilang maghintay na makumpleto ang pagbuwag, paglikida, pamamahagi ng ari-arian at pagtatapos ng nasabing kompanya bago pa makuha ang kanilang karampatang bahagi sa kompanya. (Villareal et. al., vs. Ramirez et al G.R. 144214 July 14, 2003).