Sa kanilang paghihiwalay, maraming kaso laban kay Carlo ang isinampa ni Precy. Una ay ang pagbuwag at paghati sa kanilang ari-arian kung saan pinaboran ng Korte base sa isang kasunduan. Ikalawa ay ang kasong kriminal ng tangkang pagpatay ni Carlo kay Precy nang minsang sinuntok at sinakal nito ang asawa habang nagtatalo. Ngunit nahabla lamang si Carlo ng slight physical injuries at nakulong ng 20 araw. Pagkatapos ay nagsampa si Precy ng petisyon para sa legal separation nila ni Carlo sa dahilang repeated physical violence, sexual infidelity, attempted parricide at abandonment. Iginawad ito sa kanila ng Korte at inatas ang pangagalaga ng mga bata kay Precy.
Hindi pa rin nakuntento si Precy, nagsampa muli siya ng petisyon upang ipawalang-bisa ang kanilang kasal ni Carlo base sa psychological incapacity nito. Sa mga dokumentong isinumite ng mga partido sa pagdinig ng kaso, natuklasan nilang inisyu ang lisensya ng kanilang kasal noong Setyembre 17, 1974, isang taon matapos silang ikasal noong Nobyembre 15, 1973 , at sa lugar pa na hindi sila mga residente. Samantala, hindi pinaboran ng Korte ang huling petisyon ni Precy dahil hindi nito napatunayan na psychologically incapacitated si Carlo. Kinumpirma ito ng Court of Appeals.
Inapila ni Precy ang kaso sa Korte Suprema. Iginiit niya na dapat ay ipawalang-bisa ang kanilang kasal dahil wala naman silang lisensiyang magpakasal. Tama ba si Precy?
TAMA. Napatunayan sa kasong ito na sina Precy at Carlo ay walang lisensiya ng kasal nang idaos ang kanilang pag-iisang dibdib noong Nobyembre 15, 1973 dahil na-isyu lamang ang kinakailangang lisensiya noong Setyembre 17, 1974. Ayon sa batas, kapag walang lisensya, ang kasal ay walang bisa. Kaya, ang kasal nina Precy at Carlo ay walang bisa mula pa noong Nobyembre 15, 1973 (Sy vs. Court of Appeals et. al. G. R. No. 126263 April 12, 2000).