Sa dami ng trabaho ay unti-unting nahulog ang kanyang katawan. Taong 1996, inatake siya sa puso at na-ospital ng 10-araw. Kahit na nasuring may sakit siya sa puso kung saan hindi na regular ang pintig nito,nagpatuloy pa rin siyang magtrabaho. Dumating ang panahong hindi na siya makapagsalita at naparalisa na ang kanyang kaliwang kamay. Ideneklara ng kanyang pribadong doktor at ng PNP Medical and Dental Service na hindi na siya maaaring magtrabaho. Kaya noong Marso 19, 1999, nagretiro na siya sa serbisyo sa edad na 55 at ginawaran ng permanent total disability at temporary total disability benefits resulta ng kanyang pagpapa-ospital noon.
Kinumpirma ng Employees Compensation Commission (ECC) ang iginawad ng GSIS. Base sa desisyon, nagawaran na si Robert ng pangkalahatang benepisyo sa kanyang kapansanang natamo. Subalit ayon sa ECC, ang sukatan ng paggawad ng permanent total disability benefits ay kung mayroon lamang permanenteng pagparalisa ng dalawang bahagi ng braso o binti. Hindi raw ito ang kaso ni Robert. Tama ba ang ECC?
MALI. Hindi makatarungan ang hindi paggawad ng total permanent disability benefits kay Robert. Basehan ng ECC na dahil hindi naman siya nawalan ng anumang bahagi ng katawan kaya wala siyang karapatan sa nasabing benepisyo. Subalit ayon sa batas, ang sukatan ng paggawad ng benepisyo ay hindi lubos na pagka-inutil ng isang empleyado kundi ang kawalan ng kakayahan nito na gampanan ang kanyang trabaho.
Sa kaso ni Robert, ang kanyang karapatan sa permanent total disability benefits ay suportado ng kanyang medical records at resulta rin ng imbestigasyon ng PNP. Ang naging desisyon ng PNP sa kanyang maagang pagreretiro sa edad na 55 ay isang malinaw na patunay na ang sakit niya sa puso ay magreresulta ng di epektibong pagganap sa trabaho. Kaya, ang pagtanggi sa paggawad ng nararapat na benepisyo sa tulad niyang empleyado ay isang paglabag sa katarungang ginagarantiya ng ating Saligang Batas (GSIS vs. Cadiz, G.R. 154093 July 8, 2003).