Nang malaman nila na nag-isyu ang korte ng warrant of arrest laban sa kanilang kliyente, agad silang nagsumite ng Manifestation with Motion for Bail. Alegasyon nilang kusang-loob nang sumuko ang kanilang kliyente sa NBI noong Disyembre 13, 2000 at pansamantalang nakakulong doon. Ang certification of detention ay hindi nalakip sa kanilang mosyon. Hiniling ng kanilang mosyon na dinggin ang kaso sa Disyembre 15, 2000. Na-set ang hearing ng nasabing petsa.
Samantala, nadiskubre ng prosecution na sumuko ang nasabing akusado noong Disyembre 14, 2000 at hindi noong Disyembre 13 taliwas sa naging alegasyon nina Atty. Redio at Atty. Arelo. Dahil sa ginawang panlilinlang at paglabag sa Lawyers oath, sinampahan ng disbarment sina Atty. Redio at Atty. Arelo.
Bilang depensa, wala raw silang ginawang mali. Ayon sa kanila, nang isumite nila ang nasabing mosyon noong Disyembre 13, 2000, agad nilang sinundo ang akusado subalit dahil sa matinding trapiko, nakarating sila sa NBI bandang alas-dos na ng umaga ng Disyembre 14, 2000. Pinatunayan naman daw nila noong Disyembre 15, 2000 na ang akusado ay sumuko at nakakulong na kaya wala silang panlilinlang na nagawa. Tama ba ang dalawang abogado?
MALI. Malinaw na nagkulang sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga abogado sina Atty. Redio at Atty. Arelo. Napatunayang ginawa nila ang taliwas na mga pangyayari sa takot na kapag nalaman na wala pang hurisdiksyon ang Korte sa kanilang kliyente, hindi nito ipagkakaloob ang bail.
Hindi materyal ang ginawa nilang pagpapatunay noong Disyembre 15, 2000 na ang akusado ay sumuko at nakakulong na. Ang alegasyon nila sa mosyon ay nangangailangan ng totoong pangyayari. Hindi maaaring kilalanin ng Korte ang paggagawad ng anumang desisyon sa akusado dahil nang isumite nila ang mosyon noong Disyembre 13, 2000, ang akusado ay wala pa sa hurisdiksyon ng Korte. Kaya sina Atty. Redio at Atty. Arelo ay nasuspinde sa pag-aabogasya ng anim na buwan (Young vs. Batuegas et. Al. A.C. No. 5379, May 9, 2003).