Hindi sa lahat ng oras ay sumisira si Presidente sa kanyang palabra. Dapat din naman nating makita ang kanyang pahayag na hindi pabagu-bago.
Pero bago ang lahat dumako muna tayo sa kanyang kontrobersyal na deklarasyon na tatakbo siya, salungat sa una niyang sinabing she is not seeking another term. Iyan ang nagbunsod sa iba nating kababayan, lalu na sa oposisyon upang siyay batikusin at sabihing "sinungaling" siya. Sa isang panayam kamakailan, ipinahiwatig ng Pangulo na nahikayat siyang tumakbo dahil sa hinaing ng mga negosyante tungkol sa walang katiyakang estado ng ekonomiya.
Ngunit sabi naman ng mga negosyante, hindi importante kung sino man ang maging Pangulo o kung sino man ang kakandidato. Ang mahalaga anila ay ang kategorikal na pahayag ng Pangulo kung kakandidato siya o hindi. Kasi raw, habang isang palaisipan ang kanyang pagtakbo o hindi, laging nakabitin ang tabak ni demokles sa ulunan ng bansa. Hindi nawawala ang mga tangkang ibagsak ang administrasyon.
Nasabi ko na noon pa na kung ako ang Pangulo, hindi na lang ako tatakbo pa kung ang deklarasyong ganito ay magdudulot lang ng destabilisasyon mula ngayon hanggang sa election time. But she decided to run anyway. Karapatan niya iyan. Taumbayan na lang ang huhusga sa kanyang kapalaran.
Ngayon, yung hinihintay ninyo. Saan nga ba hindi nagbago ng salita si Presidente Arroyo? Saan pa, eh di sa pahayag na "malapit nang mahuli si Roman Fathur Al Ghozi?" Katatakas pa lang ni Al Ghozi ay narinig na natin iyan sa kanyang mga labi at sa labi ng kanyang mga opisyal. Hindi na raw magtatagal ay masasakote rin ang Indonesian terrorist na ito.
Hindi nagbago ang salita ng Pangulo. Hangga ngayoy sinasabi niyang malapit nang mahuli si Al Ghozi. O, di ba?