EDITORYAL - Tuparin ang ipinangako

KAHIT na hindi tinupad ni President Arroyo ang kanyang pangako na hindi na tatakbo sa May 2004 presidential elections, nararapat naman niyang pagpiliting tuparin naman ang sinabing ibabangon niya ang ekonomiya at iaangat ang buhay ng mamamayan. Pagpilitan niya kahit walong buwan na lang ang nalalabi bago siya umalis sa Malacañang. Sa pagtupad sa pangakong iyon nakasalalay ang kanyang magiging kinabukasan sa pagsali sa presidential race. Kapag hindi niya natupad ang pangako maaaring tuloy-tuloy na siya sa pagreretiro.

Hindi na nabigla ang nakararami sa inihayag ni Mrs. Arroyo noong Sabado na tatakbo siya sa election. May ilang buwan nang nakitaan ang Presidente nang kakaibang indayog ng katawan, na palatandaang siya ay sasabak sa election, taliwas sa sinabi niya noong Dec. 30, 2002, na hindi na siya tatakbo at iuukol na lamang ang panahon sa pagpapaganda ng kabuhayan. Maraming palatandaan ang nakita na muli siyang tatakbo tulad nang pagkalat nang mga streamers na nakasulat na "RUN GMA RUN!"

Ang nagimbal sa ipinahayag ni Mrs. Arroyo ay ang mga kalaban niya sa pulitika. Kakatwang takot na takot sila at masyadong kontrobersiya ang muling pagtakbo ni Mrs. Arroyo. Nagpapakita lamang ito ng kanilang kahinaan at ito marahil ang nakitang palatandaan ng Malacañang o ni Mrs. Arroyo para nga tumakbo. Nagpakita ng senyales ang kalaban para ituloy ang pakikipagtunggali.

Inaasahan na sa pagtakbo ni Mrs. Arroyo ay lalo nang magiging malala ang batuhan ng putik. Kung noon na hindi pa niya inihahayag ang mga layunin sa 2004 ay maraming putik na ang nagliparan inaasahan na ngayon ay mas mababaho pa at nakasusulasok ang mararanasan. Ang ganitong tanawin ay karaniwan na lamang sa bansang ito. Ang pagsisiraan ay bahagi ng maruming pulitika.

Ang dapat lamang tandaan ng mga naghahangad sa mataas na posisyon, huhusgahan sila ng mamamayan dahil sa kanilang ginawa. Ang mga botante ngayon ay unti-unti nang nagiging matalino. Alam na nila ang iuupo sa puwesto. Namumulat na sila kung ang kandidato ay nagkukunwari yung may damit tupa na sa kalooban ay ang katauhang buwaya.

Hindi dapat kalimutan na ang walang pagkukunwaring paglilingkod ang nakikita ng mamamayan. Iyan ang kanilang hinahanap. Pinunong mag-aangat sa buhay at aalisin sila sa kumunoy ng kahirapan na matagal na nilang pangarap. Ilang pinuno na ng bansa ang nangako subalit walang makitang pagbabago. Lalo lamang nalubog sa hirap ang mamamayan.

Show comments