Dahil sa katiwalian kaya inilunsad ang lifestyle checks! Kuwestiyunable kung may patutunguhan ang kampanyang ito. Ilang milyong empleyado mayroon ang ating pamahalaan? Mabibilang pa lamang sa dalawa nating kamay ang diumanong pinagsususpetsahang lumabag sa lifestyle check. Ang mga posisyon nlia ay masasabing mga assistants, deputies o below cabinet level pa rin. Pero, ano ang nangyayari sa mga kaso laban sa kanila? Mukhang lumalabo.
Alam ng taumbayan na gumagawa ng katiwalian ang mga empleyado sapagkat nakikita nila ang ginagawa ng kanilang pinuno. Kapag corrupt ang boss, siyempre ganoon din ang tauhan. Magiging kapani-paniwala lamang ang kampanyang ito kapag may nakulong na pinuno ng mga ahensiya ng pamahalaan. Walang exemption kahit na mga cabinet members at mga taga-Malacañang.
Mas mabuti kung umpisahan ito sa mga kakandidato sa darating na eleksiyon. Alam natin ang mga suweldo ng kanilang tatakbuhang posisyon. Kailangan nilang ideklara kung magkano ang kanilang gagastusin sa kampanya. Dito pa lamang, malalaman na kung nangurakot o patuloy na mangungurakot ang mga kakandidato. Paanong maipaliliwanag ng isang kumakandidato na hindi naman dating may kaya sa buhay ay gagastos ng daan-daang milyon o bilyong piso? Mahirap bang hulihin ang mga corrupt?