Kung pakuya-kuyakoy na lang si Dir. Enrique Ike Galang, directorate for operations, habang hinihintay ang basbas ng Palasyo na maging PNP chief na siya, aba kumikilos na rin ang mga non-PMAers para maiparating kay GMA ang mga hinaing nila. Biro nyo sa liderato lang pala ni Ebdane na walang nakaupong non-PMAers sa PNP command group at directorial staff. Para bang may ketong sila kayat pilit na inilalayo ng sa gayon ay hindi makapanghawa. Sa totoo lang, marami at malalaki rin ang mga accomplishments nila di tulad ng ibang PMAers diyan na pilit na sinisiksik ang mga sarili nila para lang makakolekta ng limpak-limpak na salapi sa jueteng at mamugad nga sa mga nightclubs, he-he-he! Mukhang kilala ko ang makapal ang apog na tinutukoy nila ah!
Hindi nalalayo na kapag hindi pinansin ni GMA ang mga hinaing ng mga non-PMAers, na tinatratong second-class citizens na ng PNP organization, hindi nalalayo na maging target sila ng recruitment ng Magdalo group nga. Kung pinapansin ni GMA ang mga hinaing ng grupo ni LtSg. Antonio Trillanes, eh dapat din sigurong pagkinggan niya ang hinaing ng mga non-PMAers kasi baka magulat na lang siya sa mga darating na araw na bumaligtad rin sila. Kung sabagay, wala pang hindi graduate ng PMA na napisil na mamuno ng PNP natin, di ba mga suki? At sa 12th taon ng PNP natin, ngayon lang nangyari na walang ni isa man sa kanila na non-PMAers sa command group at directorial staff nga, he-he-he! Weather-weather lang mga igan.
At sa ngayon, nakatutok ang mga non-PMAers sa napipintong rigodon sa PNP bunga sa pagretiro ni Dir. Victor Signey bilang hepe ng directorial staff. Alam naman ng mga non-PMAers na liliparin lang sa hangin ang mga pangarap nilang makapuwesto, dahil tiyak mga PMAers lang ang kinukunsidera ng Palasyo. Nagbabanta sila na kung kailangang mag-ingay sila para mapansin ni GMA eh gagawin nila pero sa maayos na pamamaraan at hindi tulad ng ginawa ng Magdalo group nga.