Nauna rito, binayo ni Lacson si Arroyo sa privileged speech. Nang hamunin siya ni Arroyo na magdemanda, sagot ni Lacson na may Part 2, 3 at 4 pa ang speech niya sa mga darating na araw. Kumbaga, trial by publicity ang pakay, miski sinabi niyang in-expose niya ang Pidal bank account para linisin ang gobyerno. Nandamay pa si Lacson ng newsmen para magmukhang kapani-paniwala ang exposé niya, pero malisya lang lahat sa likod ng parliamentary immunity. Hindi niya binanggit ang mga kapwa-Oposisyon na bumisita na kay Arroyo sa LTA Building.
Hirit pa ni Lacson na dalawang Supreme Court Justice ang malimit sa LTA. Pero hindi niya pinangalanan. Halatang nais impluwensiyahan ang napipintong desisyon ng SC kung bubuhayin uli ang Kuratong case.
Nang sabihin ng PNP Crime Lab na magkaiba ang pirma ni Arroyo at Pidal, hiyaw si Lacson ng lutong-makaw dahil Malacañang appointees ang handwriting experts. Parang sinabi na rin niyang lutong-makaw din ang PNP findings tungkol sa umanoy paghina ng jueteng nung siya ang hepe. At alam naman niyang matagal na ang experts sa PNP.
Sa gitna ng gulo, lumabas ang affidavit sa California court tungkol sa malalaking dollar deposits ni Lacson sa US. Banat agad ng dalawang Lakas congressmen na iimbestigahan nila si Lacson. Nakalimutan nila na may inter-chamber courtesy: Senado lang ang dapat mag-imbestiga sa senador. May nakahanda na ngang report ang Senado noon pa.
Alam na natin kung ano ang magiging tono ng kampanya sa 2004.