Dalawang taon na ang lumipas, may nagbenta sa amin ng lupa at bahay sa murang halaga. Nagbigay kami ng paunang bayad ngunit hanggang ngayon hindi pa kami nakakatira roon sa kabila ng mga pangako nilang maari na kaming tumira. Napag-alaman naming wala palang license to sell ang korporasyon na nagbebenta sa amin at wala pang ibang permits mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ano po ba ang maari naming gawin dito? Paano naming mababawi ang aming mga binayad? Ano ang maaari ninyong imungkahi sa aming nagnanais makabili ng sarili rin naming lupa at bahay? Elena Cruz, Batangas
Maari kang pumunta sa tanggapan ng Housing ang Land Use Regulatory Board sa inyong lugar upang ireklamo ang diumanong illegal na pagbebenta ng lupa at bahay sa inyo at upang itigil ang patuloy na pagbebenta nito.
Tungkol sa iyong mga binayad na, sumangguni ka sa isang abogado tungkol sa maaring pagsampa ng kaukulang kaso laban dito, maaring sibil o kriminal o sabay.
Muli, sa pagbili ng lupa at bahay, kailangan mong tingnan ang mga lupa o lupa at bahay na tinitirikan o tinitirikan ng iyong bahay o mag site-tripping. Magkaroon ng sariling pagsusuri sa titulo ng lupang binibili sa pamamagitan ng pagpunta sa Register of Deeds at tingnan din ang mga pinagmulan ng titulong ito. Kailangan itong malinis o walang mga encumbrances. Lahat ng inyong bibitawang halaga ay kailangang nakasulat at may lagda ng tatanggap.