Maliit na depekto lamang

NAKAREHISTRO sa pangalan ni Consuelo Rios ang 94 square meters na lupa sa Sta. Cruz, Manila. Noong Pebrero 20, 1981, gumawa si Consuelo ng isang donasyon ng nasabing lupa pabor kay Vicky Rios bilang konsiderasyon ng pagmamahal nito sa kanya.

Tinanggap ni Vicky ang donasyon sa kanya. Ang Deed of Donation ay may dalawang pahina. Ang unang pahina ay naglalaman ng mga napagkasunduan kabilang na ang technical description ng lupa at ang pagtanggap ni Vicky sa donasyon.

Sa ibaba nito ay ang mga pirma nina Consuelo bilang donor at Vicky bilang donee at ng dalawang testigo. Ang ikalawang pahina naman ay naglalaman ng notaryo kung saan kinilala na tanging si Consuelo lamang ang humarap sa Notary Public. Subalit sa pahinang ito, nakalagay naman ang pirma ni Consuelo at ng isang testigo sa left margin samantalang ang pirma ni Vicky at ng isa pang testigo ay nasa right margin. Narehistro ang kasulatan ng donasyon sa Register of Deeds, kung saan kinansela ang pangalan ni Consuelo sa titulo at nag-isyu ito ng panibagong titulo sa pangalan ni Vicky.

Makalipas ang tatlong taon, magkasunod na namatay sina Consuelo at Vicky. Dito ay sinimulang angkinin ni Rudy ang nasabing lupa dahil siya raw ang tagapagmana ni Vicky na anak ni Consuelo. Sinalungat ito ng apat na pinsang-buo ni Consuelo na pinagunahan ni Glecy. Ayon kay Glecy, sila raw ang natitirang tagapagmana ni Consuelo dahil hindi raw legal na inampon si Vicky. Kaya nagsagawa ng isang deed of extrajudicial settlement sina Glecy upang hatiin ang nasabing lupa ni Consuelo sa kanilang apat. Samantala, nagsampa rin sila ng kaso laban kay Rudy kung saan hiniling nilang ipawalang-bisa ang deed of donation at kanselahin ang titulo ni Vicky.

Sa desisyon ng Korte, napatunayan na ang nasabing deed of donation kahit na pirmado nina Consuelo at Vicky, tanging si Consuelo lamang ang humarap at kinilala ng notaryo. Kaya masasabing hindi nakasaad ang pagtanggap ni Vicky ng donasyon sa isang notaryadong instrumento na nagresulta ng kawalan ng bisa nito. Tama ba ang korte?

HINDI.
Ang kakulangan ng pagkilala ng notaryo kay Vicky bilang donee ay hindi magpapawalang-bisa sa isang donasyon. Kinakailangang itrato ang instrumento sa kabuuan nito at hindi ipalagay na ang isang pahina ay pribado samantalang ang ikalawang pahina ay instrumentong publiko. Ang paglilipat ni Consuelo nang boluntaryo ang kinikilala ng notaryo. At nang kinilala ng notaryo ang nasabing donasyon, ang kabuuan nito ay naging insrumentong publiko na. Sapat na ang pagtanggap ni Vicky sa unang pahina bilang bahagi ng nasabing instrumento (Quilala vs. Alcantara et.al. G.R. 132681, December 3, 2001).

Show comments