Kilala kaya ni Gen.Bulaong si 'Imbudo'

MAY hinanakit ang mahigit 100 kapulisan ng Western Police District (WPD) na hindi pa na-promote sa madugong May 1, 2001 riot ng mga supporters ni dating Presidente Estrada sa isang opisyal nila na binansagang ‘‘Imbudo.’’ Noong dumating daw si ‘‘Imbudo’’ sa WPD, aba panay pangako nito na tutulungang iparating kay Presidente Arroyo ang kanilang mga hinaing at problema. Pero hanggang sa ngayon, ni isa man lang sa ipinangako ni Imbudo ay hindi niya nagampanan kaya‘t lumalayo na rin ang loob ng mga Manila’s Finest sa kanya. Nauubos na kaya ang panahon ni ‘‘Imbudo’’ sa kabibilang ng perang iniakyat ng mga bataan niya at wala na siyang oras para itulak man lang ang papel para sa promotions nila? ‘Yan ang tanong ng Manila’s Finest. Kilala kaya ng hepe ng WPD na si Chief Supt. Pedro Bulaong si ‘‘Imbudo’’ He-he-he! Ewan ko ’no? Doon kayo sa Manila’s Finest magtanong para maiwas naman ako sa gulo.

Sinabi ng ilang Manila’s Finest sa akin na buhay at dugo nila ang ibinuwis para lang idepensa ang Malacañang noong May 1, 2001 pero mukhang sa ibang pinagkakaabalahan nakatingin si ‘‘Imbudo.’’ Sa tingin nila nagmamadali si ‘‘Imbudo’’ na punuin ang kaban niya bago man lang ito maalis sa WPD. Kaya noong nakaraang mutiny ng Magdalo group, aba isa si ‘‘Imbudo’’ sa mga namumutla dahil alam niya baligtad din ang sikmura niya kapag nanalo ang mga rebeldeng sundalo, anang Manila’s Finest. Buti pa si Bulaong at kampante lang na nakihalubilo sa kanila noong mutiny nga. Talaga?

Kung sabagay, hindi lang si ‘‘Imbudo’’ ang nangako na tutulungan sila sa kanilang problema, ayon sa Manila’s Finest na nakausap natin. Pati si Dir. Avelino Razon, ang hepe ng Human Resource Development Directorate (HRDD) ng PNP at dati ring WPD chief ay nakipagpulong sa Manila’s Finest noong Enero pero hanggang ngayon, wala pa ring balita ukol sa promotions nila. Mukhang pati si Razon ay nawala na rin ng linya hindi lang sa Camp Crame kundi pati sa Malacañang, anila. Eh sino na sa ngayon ang lalapitan ng Manila’s Finest kung wala na ring panahon si PNP Chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. na pakinggan ang mga hinaing nila? Dating WPD chief din si Ebdane pero mukhang hindi siya marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan, ang akusa ng Manila’s Finest sa hepe ng PNP. Ano ba ’yan?

Show comments