Mahiwagang bag II

NAAALALA n’yo pa ba yung ikinuwento ko noong July 22 tungkol sa sikat at literal na malaking Ginoo na nagpuntang Hong Kong na may bitbit na malaking bag na itim na ayaw pahawakan kahit kanino, talagang mahihiwagaan na kayo dahil noong Biyernes ay bumalik na naman siya at may dala na namang MAHIWAGANG BAG.

Kasama rin niya ang kanyang anak na isang halal na opisyal at ang kanyang manugang.  Ang mga alalay na bodyguard ay nagpunta rin sa Hong Kong.  Bakit yata tuwing matatapos ang 15th at 30th ng buwan ay namamasyal sila sa HK? Tsaka laging Biyernes, parang naghahabol sa bangko at magdeposito  bago magsara kasi ang dating ay bago mananghalian tapos ay babalik ng Maynila ng Linggo ng hapon. Baka naman kumain lang ng roasted goose at pancit.  Big time naman sila, literal pa ang Ginoo at ubod nga ng lapit sa Malacañang.

Pero etong pasyal na ito ay may dagdag na hiwaga, hiwalay ang tinuluyang hotel ng anak at manugang kay Ginoong Big Time.  Ang anak at manugang sa Holiday Inn Golden Mile pero ang ama sa Marco Polo sa Ocean Terminal.

Dahilan, nakipagtagpo si Ginoong Big Time sa best friend niyang si Victoria (Secret kaya) dahil galing itong US kung saan nagpalamig dahil galit na ang taga-Malacañang na asawa ni GB.

Halal na opisyal, kung di sa Mommy mo di  ka naman mananalo, lagot ka pag nalamang kasabwat ka ni Daddy.  Sabagay, share naman yata niya sa’yo yung laman ng bag.  Malaki yon at dolyar pa.  
* * *
Nakipanood tayo sa concert ni Ogie Alcasid sa Hong Kong noong Linggo  ng hapon at talagang napasaya niya ang mga kababayan nating nagtatrabaho rito.

Nilunsad ni Ogie ang phone card ng Quantum Communications na  ang nakalitrato ay si Sen. Ping Lacson.

Kung pagbabasehan ang pagtanggap kay Sen. Ping, mahal siya ng mga OFW sa Hong Kong, dinumog siya ng mga Pinay, meron pang umiiyak at tumitili.  Karamihan ang narinig nating sinasabi pagkatapos siyang mahalikan, kamayan o yakapin ay "Ang POGI!" Iba ang dating at talagang pinagkaguluhan.

Galing ng Quantum sa ginawa kay Sen. Ping at susunod daw si Ogie sa phone card na modelo.  Madaling ibenta lalo na sa Pinay na kulang-kulang 180,000 dito.  Yun nga lang kay Sen. Ping may bonus, limang minutong dagdag na tawag sa Pilipinas, yun ang kapalit na hiningi  at hindi na bayad sa pag-endorso ng produkto.

Pustahan tayo, may gagaya diyan. Hanap kayo ng ibang pakulo, dapat may originality.
* * *
Punumpuno na naman ang Hong Kong at napakarami na ang turista. Yung tinuluyan namin na JW Marriott sa Admiralty ay puno ng turistang  Hapones, Amerikano, European, Taiwanese, Singaporean at iba pa.

Ang mga tindahan naman at kainan ay puno rin, kahit saan  dapat ka pumila. Nakaahon na sila sa SARS at daming bargain, wala lang tayong  pambili dahil sa liit ng halaga ng piso natin kumpara sa Hong Kong dollar. Mahigit P7 ang HK$1. Kaya inggit na lang  tayo pero busog  naman sa tingin.

Ang kalye napakalinis di lubak-lubak, ang pulis maliliit ang tiyan at makikita niyong naglalakad di nagtatago sa lilim ng puno at naghihintay ng  haharanging sasakyan o kaya‚ nagpupusoy dos sa headquarters.

Ang mga building sa gabi, bukas ang mga ilaw at maliwanag di kagaya sa atin na sa mahal ng kuryente lahat nagtitipid.  Sa airport naman nila, parating at paalis na turista umaapaw, haba ng pila pero sa laki, linis at ayos komportable ka.  Malamig ang aircon, maganda ang upuan, daming tindahan at kainan at ayos na ayos ang  takbo.

Sa atin, nakakaiyak, paglabas ng eroplano, mainit, makipot at maruming airport.  Kita n’yo ang kakarampot na turista parang namamangha.  WOW Philippines.  At eto pa,  tumutulo pa ang bubong, nakakahiya, may  balde sa gitna ng arrival area ng international airport, bandang immigration. Kita ng lahat ng dumarating.

Katatapos lang ng ulan noon, paano kung kalakasan ng ulan, daming balde  ang  kailangan, MORE THAN THE USUAL.  Kawawa naman tayo.
* * *
Para sa anumang reaksyon, mag-email lang sa nixonkua@yahoo.com o kaya’y mag-text o  tumawag sa  0927-2654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa DZEC 1062 mula 4:30 hanggang 6:00 ng hapon tuwing Lunes at Miyerkules.

Show comments