Pero ang tanong ni Mang Gusting barbero, sino ang magpapasyang wala na nga ang banta? Dagdag naman ni Pilosopong Tasyo, Maraming paraan para bigyan ng hustipikasyon ng administrasyon ang pag-iral ng SOR. Ang opinyon at damdamin ng bayan ay dapat pahalagahan. Kung hindi man si Presidente Arroyo mismo, nangangamba ang ilan na ang mga opisyal na nakapaligid sa kanya na posibleng may personal agenda ang gagawa ng rason para manatiling nakataas ang SOR. Pero kung may advantage man daw ang SOR, ito ay ang pananatiling matatag diumano ng presyo ng mga bilihin. Kapag may SOR kasi, binabawalan ang mga mangangalakal na magtaas sa halaga ng basic goods.
Kung magkagayon, dapat sigurong pansinin ng pamahalaan ang nakaambang pagtataas ng presyo ng petrolyo. Dapat patunayan ng gobyerno ni GMA na itoy talagang pro-people. Gamitin ang emergency powers sa ilalim ng SOR at pigilin ang balak na ito ng mga oil producers.
Sa kaso ng ibang paninda, tiniyak ni Trade and Industry Sec. Mar Roxas na babantayan ng kanyang departamento ang halaga ng basic goods para mapigil ang pagtaas nito. Pinulong kamakailan ni Roxas ang National Price Coordinating Council para bumuo ng mga estratehiya sa pagpapatatag sa presyo ng bilihin sa kabila ng pabagu-bagong peso-dollar exchange rate. Nagbabala si Roxas sa mga traders na huwag samantalahin ang pabagu-bagong palitan para makapagtaas sa presyo ng kanilang mga kalakal, kung hindiy mapaparusahan sila nang ayon sa batas.
Okay iyan pero, sana Mr. Sec, pakialaman na rin ang presyo ng petrolyo. Pag presyo ng petrolyo ang tumaas, sumusunod din ang ibang kalakal at serbisyo. Tingin ko, kung dapat mang magpairal ng kamaong bakal ang gobyerno, itoy dapat gamitin sa pag-control sa presyo ng mga bilihin dahil marami tayong kababayan na nakukuba na sa pamamaluktot sa masikip na kumot.