Kinasuhan ng rebelyon si Honasan dahil sa nabigong kudeta. Bukod kay Honasan, anim na iba pa ang kinasuhan ng rebelyon. Itinanggi naman ni Honasan ang akusasyon nang magsalita siya sa Senado, ilang araw matapos ang nabigong mutiny. Mula noon ay hindi na nagpakita si Honasan. Nabalitang nag-underground na. Itinanggi naman ni Honasan na siya ay nagtatago. Sinabi ring fabricated ang mga ikinaso sa kanya. Ganyan din ang sinabi ng kanyang asawang si Jane. Gumagawa raw ng monster ang pamahalaan sa pamamagitan ng kanyang asawa.
Kung hindi nagtatago, bakit ayaw niyang magpakita. Nangako naman si President Arroyo na bibigyan siya ng due process. Bakit ayaw niyang lumantad at sagutin ang mga akusasyon. Kung wala siyang kasalanan, ipakita niya sa mga nag-aakusa. Patunayan niyang mali ang mga nagbibintang sa kanya. Sa hindi paglantad ni Honasan, natatanim sa isipan ng taumbayan, na mayroon siyang kinalaman sa nabigong mutiny. At hindi maiaalis na ganito ang isipin ng taumbayan sapagkat maraming beses na siyang namuno sa pagpapabagsak ng pamahalaan ni President Aquino noong 1987 hanggang 1989.
Kung sadyang ang kanyang National Recovery Program ay para sa ikabubuti ng taumbayan ano at sisirain lamang niya sa pamamagitan ng pagtatago gayong sinasabi naman niya na wala siyang kasalanan. Kung tunay ang kanyang layunin na magsilbi, ipakita niya sa pamamagitan ng paglantad at pagsagot sa mga akusasyon. Linisin ang kanyang pangalan.
Marami ang naghahangad ng katiwasayan ng bansa. Marami ang naghahangad na maging maunlad ang buhay. Marami ang nangangarap na magkaroon ng pinunong maghahango sa bansang ito na nakalugmok sa hirap. Kung ang isang nangangarap na maging pinuno ay nagtatago at hindi marunong humarap sa mga akusasyon, anong klaseng bansa ang kanyang itatayo. Anong uri ng pamamalakad ang kanyang gagawin? Hindi kaya lilikha lamang siya ng mga monster?