EDITORYAL - Alisin ang state of rebellion

ISA sa mga nakayayanig na sinabi ni Ltsg. Antonio Trillanes IV, lider ng mga mutineers ay magdedeklara ng martial law ngayong Agosto si President Arroyo. Kung pakaiisipin ang sinabi ni Trillanes, tila nagkakaroon ito ng hugis sapagkat hanggang sa kasalukuyan, ang state of rebellion na pinroklama ni Mrs. Arroyo noong tanghali ng July 27 ay hindi pa inaalis. Sinabi ni Mrs. Arroyo kamakalawa na aalisin sa lalong madaling panahon ang state of rebellion.

Bakit kailangang patagalin pa na nasa ilalim ng state of rebelllion ang bansa? Ang pagsasailalim sa state of rebellion ay kahalintulad na rin na nasa ilalim ng martial law. Maaaring arestuhin nang walang warrant ang sinuman. Mahahalintulad sa mga ginawa ni dating President Marcos noong 1972 na maraming inaresto at ikinulong. Ang state of rebellion na dineklara ni Mrs. Arroyo ay mahigpit na tinutulan ng mga kongresista. Ilegal ang pagkakadeklara ni Mrs. Arroyo. Hindi anila nakasaad sa Constitution o hindi pinahihintulutan ang pagpoproklama nito. Isang pag-aabuso umano ang ginawa ni Mrs. Arroyo.

May masamang epekto sa ekonomiya ang patuloy na pananatili ng bansa sa state of rebellion. Ibig lamang sabihin nito na wala pa ring katiwasayan ang bansa. Ang kapanatagan ay hindi pa nakakamit mula nang kubkubin ng mga rebeldeng sundalo ang Oakwood Premier Hotel sa Makati. Ito marahil ang dahilan kung bakit patuloy pang sumasadsad ang peso at matamlay ang kalakalan. Ayon sa mga eksperto sa pananalapi, isang taon at kalahati ang palalampasin bago makabawi sa nangyaring mutiny.

Si Mrs. Arroyo na rin ang nagsabi na wala nang banta ng kudeta. Kung wala nang banta bakit hindi pa alisin ang state of rebellion. Bakit nananatili pa rin ang santambak na sundalong nakabantay sa Camp Aguinaldo at ang Malacañang ay napapaligiran pa rin ng mga tangke? Nang umalma ang mga businessmen sa patuloy na pananatili ng state of rebellion, nagpakita ng tampo si Mrs. Arroyo. Sinabi ng mga negosyante na ang state of rebellion ay sumusugat sa ekonomiya at masama ang nagiging imahe ng Pilipinas sa abroad.

Kung wala nang banta sa seguridad, dapat alisin na ang state of rebellion. Masama ang tinutungo na parang nagpapahiwatig ng batas-militar at ang ganyan ay hindi gugustuhin ng mamamayan at maski mga namumuhunan. Kailangang maging mamuhay na ng normal.

Show comments