Sa ginanap na Senate hearing, mukhang seryoso si Lina sa bintang niya kay Gringo. Sa tingin ko naman tama rin siya sa tinuran niya na hindi dapat sa Senado ilahad ang mga ebidensiya niya dahil mapi-preempt niya ang Korte. Mukhang nakakuha ng pogi points doon si Lina. Pero marami ang nagsasabi na mahaba pa ang labanang ito at hindi dapat magselebra kaagad si Lina at mga alipores niya.
Ayon naman sa Manilas Finest na nakausap ko, mukhang publisidad lang ang habol ni Lina. Ika nga premature ang mga akusasyon niya kay Honasan at pinipilit lang niyang ituloy ang isyu para hindi siya mapahiya lalo na ang Malacañang. Hindi biro kasing patunayan ang sumbong niya laban kay Honasan, anila. Subalit sasakay at sasakay si Lina sa isyu para lang pumogi siya sa Palasyo dahil sa ugong na papalitan na siya sa puwesto niya. Kayat konting kayod pa Secretary Lina Sir at tiyak hindi ka matitinag diyan sa DILG at tuloy pa rin ang ligaya ng mga bataan mo, tulad ni Atty. Morga, He-he-he-he! Tumpak kaya ako mga suki?
May dahilan kasi ang Manilas Finest kung bakit hindi sila naniniwala kay Lina dahil wala umano itong isang salita. Ang tinutukoy nila mga suki ay itong pangako ni Lina na mag-resign kapag hindi niya napasara ang jueteng sa bansa at sa loob ng isang taon. Sinunod ba niya ang pangako niya eh lampas na ang taning niya? Kung nagsinungaling siya noon, maaring sa isyu laban kay Honasan ay nagsinungaling rin siya, ayon sa nakausap kong mga pulis.
Pero hindi dapat ang Jericho ni Lina lang ang sisisihin kung bakit talamak na naman ang jueteng. Kasi nga ang mga regional at district directors, provincial, city at municipal police chiefs ay hindi rin gumagalaw laban sa jueteng. Kung susumain pala, ang liderato ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr., ang dapat managot sa illegal gambling. Baka naman takot lang si Ebdane kay Taba diyan sa Malacañang na ganid sa pera. Namumutla si Taba at ang kanyang mayabang na anak noong nag-alsa ang mga sundalo natin. Takot silang mawalan ng milyon na delihensiya, anang Manilas Finest. Kayat habang abala ang lahat sa mutiny, aba naiwang humahalaklak sa bangko ang mga jueteng lords sa bansa. At pabor yan ke Taba. May karugtong.