Hinaing ng mga junior officers ng AFP, pakinggan

BALITANG-BALITA na magkakaroon ng kudeta sa pangunguna ng mga young officers ng Armed Forces of the Philippines. Kahit na pinabubulaanan ng pamahalaan, naniniwala ang marami na talagang may namumuong kudeta lalo na nang magdeklara ang AFP ng red alert. Itinanggi ni Defense Sec. Angelo Reyes at mga opisyal ng Malacañang na may nagpaplanong mag-kudeta sa pamahalaan.

Para mapatunayan na haka-haka lamang ang balita, nakipag-miting si GMA sa mga young officers ng AFP na ang karamihan ay kabilang sa PMA Class 94 at 95. Pagkatapos ng miting, mismong si GMA ang nagpahayag na may rason ang mga young officers na sumama ang loob laban sa Defense Department, AFP at pamahalaan.

Nais mag-alsa ang mga junior officers ng AFP sapagkat sila ay napapabayaan. Idinadaing nila ang mababang suweldo, kulang ang benepisyo na katulad ng pabahay at iba pang incentives na natatanggap ng mga opisyal na matataas ang ranggo. Ang matindi, galit sila sa pakikialam ni Reyes sa mga bagay-militar at sa pagpapatakbo ng AFP lalo na sa pagpili ng mga opisyal na iuupo.

Sana ay mabigyan ng solusyon ang mga hinaing na ito ng mga junior officers nang sa ganoon ay hindi na madagdagan pa ang mga kaguluhang nananaig sa bansa.

Show comments