Ang paliwanag ni Cora ay hindi naging sapat para kay Ana, kung kayat lumapit ito sa kanilang pinuno at sinabing "hindi po ako naniniwalang panty lang po iyon." Kaagad na inutusan ng pinuno si Ana na dalhin nito si Cora sa pinakamalapit na CR at doon ay magsagawa ng inspeksyon. Sinamahan ng isa pang lady frisker sa loob si Ana habang ang nasabing pinuno ay naghintay sa labas.
Sa loob ng CR, pinatanggal ni Ana ang mga bagay sa loob ng girdle ni Cora. Dito ay inilabas ni Cora ang tatlong paketeng plastik. Iniabot niya ito kay Ana at pagkatapos ay ibinigay sa pinuno.
Ang nakumpiskang pakete ay sinuri at napatunayan ng NBI chemist na naglalaman ng 580.2 gramo ng shabu. Agad na dinala si Cora sa Aviation Security Office kung saan kinumpiska rin ang kanyang pasaporte, ticket at ilan pa niyang personal na gamit.
Kinasuhan at nahatulan si Cora sa ilegal na pagtataglay ng tatlong pakete ng shabu na may timbang na 580.2 gramo nang wala namang kaukulang lisensya upang magtaglay o gumamit siya nito. Kaya, nasentensyahan siya ng reclusion perpetua.
Umapila si Cora at iginiit na hindi maaaring magamit laban sa kanya ang nakuhang shabu dahil labag ito sa kanyang karapatan ayon sa Konstitusyon. Hindi rin daw siya nagabayan ng isang abogado. Tama ba si Cora?
MALI. Sa kasong ito, balido ang ginawang pagkapkap at pag-aresto sa kanya ng mga tauhan ng airport. Hindi rin kailangan ang abogado dahil wala naming kinuhang salaysay mula sa kanya. Ang nakuhang shabu sa kanya ay resulta lamang ng isang lehitimong patakaran ng pag-iingat na siyang ipinapatupad sa mga airport. Bukod pa rito, ang pagtataglay ng isang ilegal na bagay ay isa nang krimen kaya nakasalalay kay Cora na salungatin ang naging paratang sa kanya. At dahil hindi napatunayan ni Cora na may permit siya sa ilalim ng batas na magtaglay ng ipinagbabawal na gamot, mahahatulan siya.
Ang isang pasahero tulad ni Cora ay nawawalan ng pribadong karapatan at proteksyon kapag sumailalim na sila sa pagkapkap ng mga tauhan ng airport alinsunod sa pagpapatupad nito ng seguridad. Dagdag pa rito ang sapat na abiso ng isang airport na ang mga pasahero kapag nakuhanan ng ilegal na bagay, ay agad itong kukumpiskahin. Isa lamang itong pagpapatupad ng karaniwang proseso ng isang airport.
Samantala, ang pagkumpiska sa kanyang pasaporte, ticket at ilang personal na bagay ay hindi makatwiran dahil hindi ito ilegal o kaya ay bunga ng isang krimen o gagamitin sa isang krimen (Pp. vs. Johnson G.R. 138881 December 18, 2000).