Papuri sa maliliit

ANG Anak ng Diyos ay naging tao upang tuparin ang misyon mula sa Ama. Sa bawat bahagi ng kanyang buhay, hinahanap palagi ni Jesus ang kapurihan ng Ama.

Sa ilang talata, nasapol ni Mateo ang diwa ng pagpupuring ito (Mt. 11:25-27).

"Nang panahong iyo’y sinabi ni Jesus, ‘Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.

‘‘Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.’’


Palaging pinupuri ni Jesus ang Ama. Subalit di-siya naparito upang papurihan ang Ama ng mga nagmamahal lamang sa kanya. Naparito siya at nais niyang isangkot ang iba sa pagpupuri sa Ama. At yaong may ganitong espirito ng pagpupuri ay mga taong naisaloob na ang kababaang-loob at kaliitan ni Jesus.

Si Teresa ng Batang si Jesus ay may ganitong espirito ng kaliitan. Si Francisco de Asis ay may ganito ring espiritu ng kaliitan.Sa Ebanghelyong nabanggit sa itaas, inaanyayahan tayo ni Jesus na isaloob ang ganitong kaliitan. Ang kaliitan ay hindi nasusukat sa laki o idad. Ang kaliitan ay nasa diwa o espiritu.

Tunghayan si Jesus at hulihin ang kanyang espiritu ng kababaang-loob at kaliitan. Ang misyon ni Jesus ay ang kapurihan ng Ama. Ganoon din ang misyon ng lahat ng mga banal o santo. Kung kaya’t atin ring misyon ang maging maliit at mapagpakumbaba sa pagpupuri sa ating Ama.

Show comments